Mayor Vico Sotto pinasalamatan sina Angel Locsin, Anne Curtis sa P1M donation

Nag-donate sina Kapamilya actress Angel Locsin at Anne Curtis na nagkakahalaga ng P1M sa pinamumunuan ni Pasig City Mayor Vico Sotto.

Nagpasalamat naman ang punong-bayan sa nalikom nina Angel at Anne sa Shop and Share fund raising na kanilang in-organize.

Ang nasabing fund raising ay para sa vaccination program ng Pasic City, base sa pahayag ni Mayor Vico sa FB Live nitong Lunes, Abril 12.

“Shoutout at ang aking pasasalamat sa Shop and Share. Nag-donate po sila ng isang milyong piso para sa ating vaccination program.

“I-earmark lang po natin kasi sa ngayon wala pa namang available na bagong manufacturer na pwede nating pag-order-an.

“Eto po sina Ate Angel Locsin at Ms. Anne Curtis, nag-donate po sila ng PHP1M.”

Hanga ang mayor sa dalawang aktres dahil walang media coverage nang iabot ang cash donation sa Pasig City.

“Ito, walang fanfare, walang media. Ni hindi nga kami nagkita.

“Iniwan lang nila yung tseke. Pinaresibuhan na lang natin. So, thank you.”

“Idadagdag po natin iyan sa vaccination fund natin. Nag-order na tayo ng 400,000 doses ng AstraZeneca.

“Wala pa yung order natin. Ganun din naman sa ibang LGU, wala pang order nila.

“Pero hopefully dumating na by 3rd or 4th quarter. Tingnan natin. I’m sure they would do the best that they can.”