Masustansyang ayuda sa panahon ng pandemic

1) Kailangan ay pagkaing masustansiya Pagkaing de-lata at mga instant noodles – ito ang kalimitan at normal nang ipinamamahagi bilang ayuda sa tuwing may kalamidad na nararanasan sa ating bayan.

Ito daw kasi ang mas mainam na iimbak at mabilis lutuin at ihain. Pero sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa, hindi sapat ang sardinas at iba pang ‘ready to eat’ na pagkain sapagkat sa kakaibang sitwasyon na ating kinalalagyan sa kasalukuyan.

Nutritious food pandemic

Pero ngayong panahon ng pandemic, mas masustansiyang mga pagkain ang nararapat sa isang indibiduwal upang malabanan ang ano mang uri ng virus na maaari nating malanghap o makahawa sa atin.

Nang magpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) ang gobyerno dahil sa matinding banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nakiusap sa taong bayan ang pamahalaan na manatili sa kanilang mga tahanan at ang tanging lalabas lamang ay iisang miyembro sa bawat pamilya na may pinaka-kailangan o mahalagang pakay sa labas.

Maging ang mga kompanya ay pansamantalang nagsara, kung kaya nahinto rin ang hanapbuhay ng karamihang mga manggagawa, ang resulta, kakailanganin ng pantutos sa lahat ng pamilyang apektado ng ECQ.

2) Tamang nutrisyon, makakatulong para labanan ang COVID-19 Ayon sa mga eksperto, ang pagkain ng prutas at gulay ay may matinding kahalagahan sa nutrisyon ng isang tao upang magkaroon ng depensa ang katawan sa ano mang uri ng sakit na maaaring dumapo rito.

Isa rin ang pagkain ng masustansiyang pagkain sa mga ipinapayo ng Department of Health (DOH) upang makaiwas sa mga sakit, lalo na sa banta ng laganap na COVID-19.

Sa nutrisyong hatid ng mga pagkaing ito, tiyak na mapapangalagaan natin ang ating kalusugan.

Sa panahong ito, simpleng tugon lamang ang hinihingi ng ating gobyerno sa bawat mamamayan, bukod sa pananatili sa ating mga tahanan, dapat rin nating panatilihing malakas ang ating resistensya at magandang kalusugan.

Sa gano’ng paraan, mababawasan ang pasanin ng pamahalaan hanggang sa tayo ay makatawid sa landas ng mapanganib na kasalukuyang laganap sa ating sambayanan.

Source: Leila B. Dagot, Philippine Information Agency, April 25, 2020