Makati naglabas ng 90-day suspension order laban sa mga opisyal ng Barangay Carmona

Dahil sa kabiguang isumite at ipatupad ang barangay annual investment program at budget noong 2019 at 2020, ang lahat ng walong inihalal na opisyales ng Barangay Carmona sa unang distrito ng Makati ay pinatawan ng 90 araw na suspensyon simula sa July 4, 2021.

Sa loob ng dalawang taong gamit ang reenacted budget sanhi ng kapabayaang ito, napagkaitan ang mga mamamayan ng Carmona ng kaukulang mga serbisyo at benepisyo dahil sa kawalan ng pondo para maipatupad ang mga programang panlipunan.

Sa ilalim kasi ng reenacted budget, tanging mga pasahod, pangunahing operating expenses tulad ng utilities at supplies, at statutory and contractual obligations lamang ang pwedeng paggamitan ng pondo.

Sakop ng suspension order sina barangay chairman Joselito Salvador na tumatayong presiding officer ng Sangguniang Barangay, kasama ang mga Kagawad na sina Jason Layug, Andres Chua, Jeffrey Sordan, Christopher Guerra, Rosalie Garcia, Maria Andrea Paula Vicente, at Virgilio Guillermo.

Sa ipinasang City Resolution No. 2021-027, ipinahayag ng Sangguniang Panlungsod na may malakas na ebidensya na nabigo ang Sangguniang Barangay ng Carmona na gampanan ang tungkuling isabatas ang Annual Appropriations Ordinance para sa taong 2019 at 2020, ayon sa kautusan ng Local Government Code of 1991 (Republic Act 7160).

Nakasaad sa Section 60 (c) ng RA 7160 na ang isang halal na opisyal ay maaaring disiplinahin, suspindihin, o tanggalin sa pwesto dahil sa dishonesty, oppression, misconduct in office, gross negligence, o dereliction of duty.

Samantala, ang Department of Interior and Local Government o DILG-Makati ang magsisilbing caretaker ng barangay sa panahon ng 90-day suspension.

Nagsimula ang kaso sa isang reklamong inihain noong May 7, 2021 ni Reneil de Guzman, residente ng Carmona, dahil sa diumano’y “gross negligence” ng mga opisyal na bigong isumite o ipatupad ang Annual Investment Program (AIP) at Annual Budget ng Barangay Carmona para sa 2019 at 2020.

Ang beripikadong complaint ay isinumite sa Committee on Laws, Rules and Ethics ng konseho, na masusing pinag-aralan, kasama ng mga komento mula sa mga opisyal, kabilang ng DILG-Makati director, presidente Liga ng mga Barangay, city budget officer at urban planning officer.

Ginanap ang virtual hearings na pawang dinaluhan ng mga respondent noong June 9 at June 16.