Makati may libreng bakuna sa flu at pneumonia sa frontliners, essential workers

Ipinahayag ni Makati Mayor Abby Binay na binibigyan ng pamahalaang lungsod ng libreng bakuna laban sa flu at pneumonia ang frontliners at essential workers nito upang palakasin ang kanilang immune system sa panahon ng coronavirus pandemic.

Sa ngayon, may 1,530 nang frontliners at essential workers ang bigyan ng flu vaccine, at mababakunahan din laban sa pneumonia sa darating na Agosto, ayon pa sa alkalde.

Aniya, sakop ng naturang immunization program ang lahat ng 9,706 empleyado ng lungsod, ngunit inatasan niya ang Health Department na bigyang-prayoridad ang mga doktor, nars at iba pang health personnel.

Kabilang din ang mga kawaning nasa public safety, rescue, social welfare, sanitation at iba pang essential services.

Paliwanag ni Mayor Abby, makakatulong ang pagbabakuna laban sa dalawang mga sakit sa respiratory system upang lumakas ang resistensya ng mga kawani laban sa SARS-CoV-2 na siyang sanhi ng COVID-19 infection.

Bukod sa libreng bakuna sa flu at pneumonia, binibigyan din ng lungsod ng libreng bitamina, kasama ang Vitamin C at B-complex, ang mga empleyadong pumapasok sa trabaho mula pa noong panahon ng enhanced community quarantine.

Kabilang sa mga unang nabakunahan ng trivalent flu vaccine ang frontliners ng MHD, Ospital ng Makati, Veterinary Services Department, Department of Environmental Services, Makati Public Safety Department, Makati Action Center, Social Welfare Department, Disaster Risk Reduction and Management Office, Office of the Mayor, at Finance Department.

Nauna rito, inirekomenda ng Department of Health ang paggamit ng flu at pneumonia vaccines upang maiwasan ang mga kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na patuloy na mag-ingat dahil wala pa ring bakuna laban sa COVID-19.