Mahigit 100K OFWs napauwi ngayong pandemya

Mahigit 106,200 overseas Filipino workers (OFWs) ang napauwi sa kani-kanilang probinsya ng pamahalaan sa gitna ng pandemyang coronavirus, ulat ng labor department nitong Linggo.

Ang pinakahuling batch na 2,246 umuwing OFWs, na negatibo sa Covid-19 ay bumalik sa kani-kanilang probinsiya nitong Hulyo 25, batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Nitong Mayo, mahigit 24,000 OFWs ang naiuwi, at karagdagang 72,000 pa ang nakauwi ng mga sumunod na buwan.

Sa pagtaas ng bilang ng mga umuwing OFW, sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang tulungan ang mga OFW na maibalik muli sa trabahong nawala sa kanila dulot ng pandemya.

Nagbuo ang DOLE ng tracking system, ang OFW Assistance Information System (OASIS), upang gawing mabilis at maayos ang pagpapauwi at pagbibigay ng tulong sa mga umuuwing OFWs at mga paalis na manggagawa.

Maliban sa transportasyon, ang OWWA, sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya, Philippine recruitment agencies, at licensed manning agencies, nagbibigay din sila ng pagkain, hygiene kits, at pansamantalang matutuluyan ng mga umuuwing OFW.

Binuo ito ayon sa DOLE ng humigit na sa 250,000 OFW-beneficiaries ng P2.5 billion emergency fund para sa mga migranteng manggagawa na naapektuhan ng Covid-19.

Makikita sa pinakahuling ulat mula sa overseas office ng DOLE at OWWA, tumanggap ng 254,846 request for assistance sa ilalim ng programang Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) ang naaprubahan, kung saan 214,619 OFW na ang nakatanggap ng emergency aid.

Ang AKAP ay tulong-pinansiyal na $200 o P10,000 at isang beses lamang matatanggap ng mga OFW na nasa ibang bansa o iyong mga umuwi na dahil sa pandemya.

May 554,966 migranteng manggagawa na ang humiling ng tulong-pinansiyal mula sa pamahalaan.

Nitong Hulyo 21, naipamahagi ng labor department ang P2.232 bilyon mula sa P2.5 bilyong pondo ng programa.

Humiling na rin ito ng karagdagang P2.5 bilyon para sa pangangailangan ng mga OFW na humihiling pa ng tulong.