Mabilis na babawi ang ekonomiya

Kasabay sa paggunita ng ika-87 taong anibersaryo ng Department of Labor and Employment sa susunod na linggo, pinagtibay ng resulta ng October 2020 Labor Force Survey ang ating layunin na makapagbigay ng produktibo at sapat na trabaho para sa manggagawang Pilipino.

Ayon kay DOLE Sec Silvestre Bello III, kaisa ang kagawaran sa pagbaba ng unemployment rate ng 8.7 porsiyento o katumbas na 3.8 milyong unemployed. Kaisa tayo ng buong administrasyong Duterte sa mithiin nitong muling makabangon ang ekonomiya.

Kasabay ng malusog na manggagawa at buhay na ekonomiya ang positibong pananaw sa merkado ng paggawa sa “new normal.”

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o BAYANIHAN 2, agad nating ipatutupad ang implementasyon ng P13-bilyong safety net program para sa mga manggagawa sa formal at informal sector, kasama ang mga umuwing overseas Filipino worker (OFW), para mabawasan ang epekto ng pandemyang Covid-19.

Habang patuloy na nagbubukas ang ekonomiya, atin ding kinikilala ang patuloy na pagsusumikap ng mga negosyo upang makabawi.

Gayunpaman, patuloy nating pangangasiwaan ang mga serbisyong pang-empleo na may inisyatibo tulad ng Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK), Balik-Trabaho Online Fair, at youth employability program, katulad ng Special Program for Employment of Students (SPES) at ang Government Internship Program (GIP).

Patuloy din nating isinasaayos ang mga polisiya para sa mga apektadong manggagawa at negosyo para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at ng sa gayon ay mabawasan ang epekto nito sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standard sa lugar-paggawa.

Kaisa ng Kagawaran ang buong pamahalaan sa pagpapatupad ng istratehiyang “Prevent, Detect, Isolate, Treat, and Recover (PDITR), at pagbibigay ng sapat at ligtas na transportasyong pampubliko para sa muling pagbubukas ng negosyo at pagbabalik ng mas maraming manggagawa sa trabaho.

Dagdag pa dito, inumpisahan na ng Kagawaran, sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), at ng Technical Education and Skills Development Authority, ang pagbuo at implementasyon ng National Employment Strategy (NERS), at ang pagpapalawak ng TNK na nagsisilbing blueprint para sa disenteng empleo at negosyo sa “new normal.”

Iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang kinonsulta at sumuporta sa inisyatibo na patuloy na ipatutupad sa 2021 bilang bahagi ng whole-of-nation approach para sa muling pagbangon ng ekonomiya.

Sa pagsasara ng mapanghamong 2020, kasabay na rin ng ika-87 taong serbisyo ng DOLE para sa sektor ng paggawa at empleo, lubos tayong umaasa na sa ating temang “Bayanihang Pagtugon sa Hamon ng Bagong Panahon” mas mabilis tayong makakabawi.