Bumalik sa kanyang hometown si singer Lyca Gairanod, pitong taon matapos manalong grand winner ng “The Voice Kids.”
Nagdesisyon silang ibenta ang napanalunang house and lot sa General Trias, Cavite na kanyang nakuha sa singing competition dahil sa kanyang lola na ayaw tumira sa tahimik na village.
“Binili ko na lang po itong bahay na ‘to [sa Tanza, Cavite] para mas malapit sa lola ko. Kasi ‘yung lola ko, ayaw umalis po doon sa bahay namin eh, gusto po niya talaga doon,” sey ni Lyca kay Karen Davila sa interview.
Matapos ibenta ang bahay, ay bumili siya ng mas maliit na bahay kung saan malapit sa bahay ng kanyang lola.
Mas gusto rin niya ang simpleng buhay sa Tanza, na kapiling ang lahat ng miyembro ng pamilya.
“Parang gusto ko lang po talaga ‘yung ganitong life, parang masaya po. Parang ayoko po ng tahimik, ‘yung wala akong naririnig na ingay,” sey ng singer.
“‘Yung bahay na po na ‘yon [sa General Trias], talagang pinahalagahan ko siya, talagang marami po akong memories na binuo sa house na ‘yun, and para po kay Lola, gusto niya po kami makasama, kaysa naman po malayo kami. Pero dinala po namin siya doon sa house na ‘yun, pero umuwi, umuwi po siya. Ayaw daw po niya talaga doon, ang tahimik daw po,” kuwento pa niya.
Si Lyca ang unang winner ng The Voice Kids Philippines noong 2014.
Sa ngayon ay YouTube vlogger na rin ang singer na mayroong million subscribers.