LizQuen serye ligwak sa primetime

Ang serye nina reel and real-life couple Liza Soberano at Enrique Gil ay hindi na itutuloy ipalabas.

Ang fourth teleserye nila na “Make It With You” ay isa sa mga seryeng naapektuhan ang production dahil sa coronavirus pandemic.

Nitong Huwebes, inanunsiyo na ang mga Kapamilya serye na magbabalik sa bagong channel sa cable at satellite TV, at hindi kasama ang serye ng dalawa.

Kinumpirma ng manager ni Liza na si Ogie Diaz na ang primetime series ay hindi na itutuloy.

“Sa mga nagtatanong kumbakit hindi nakasama ang “Make It With You” sa magbabalik sa telebisyon ngayong June. .. Ikinalulungkot ko pong ibalita sa inyo bilang manager ng isa sa bida (si Liza Soberano) na hindi na po ito mapapanood pa.

“Alam na po ito ng lahat ng cast, lalo na ng LizQuen. Alam kong nabitin kayo sa love story nina Billie at Gabo, kaya hintayin na lamang po ang pagbabalik ng loveteam sa isa pang bagong teleserye,” ani Diaz.

Sinimulang ipalabas ang “Make It With You” nitong January 2020 at consistent No. 1 sa time slot nito, at pangalawa naman sa nationwide ratings, ayon sa Kantar Media.