LEKSYON SA MGA GANID SA COVID-19 OUTBREAK: Hoarders ng 18,000 hand sanitizers lugi na may kaso pa!

Nahaharap ngayon sa kaso ang magkapatid na online seller sa Tennessee matapos silang mag-hoarding ng may 18,000 hand sanitizer.

Ang magkapatid na sina Matt at Noah Colvin ng Hixson, Tennessee ay maagang namakyaw ng mga hand sanitizer at libu-libong anti-bacterial wipes bago pa man nagkaroon ng shortage ng naturang mga produkto dahil sa coronavirus.

Namili umano ang magkapatid sa mga maliliit na tindahan sa Tennessee at inubos ang mga hand sanitizer at anti-bacterial wipes para ibenta sa Amazon at Ebay.

Bawat bote ng hand sanitizer ay ibinenta ng magkapatid sa presyong $8 hanggang $70.

Pero nang mag-umpisang magkaroon ng shortage, ibinawal ng Amazon at Ebay ang pagbebenta ng mga kahalintulad na produkto dahil sa price gouging.

Dahil dito, natengga sa magkapatid na Colvin ang may 17,700 hand sanitizer at libu-libong anti-bacterial wipes.

Nang wala na silang mapagbentahan, nagpasya ang magkapatid na i-donate sa isang local church ang kanilang mga supplies.

Kinumpirma ng Tennessee Attorney General’s Office na halos 2/3 ng supplies ng Colvin brothers ay ibinigay nila bilang donasyon sa Calvary Chapel sa Chattanooga habang ang 1/3 ay nasa kanilang pangangalaga at ipamimigay naman sa mga community sa Kentucky kung saan namakyaw ang magkapatid.

Kahit ipinamigay na ang mga supplies, hindi pa rin umano lusot ang magkapatid na Colvin sa kaso price gouging o pagsasamantala sa presyo ng mga medical goods and products.

Sa isang interview, tinanong si Matt kung nagso-sorry siya sa kanyang ginawang hoarding at pagtatangkang kumita nang malaki, sinabi nitong hindi siya humihingi ng paumanhin.

Sa pagkalugi sa kanyang ginawa, sinabi niyang sa negosyo ay meron talagang natatalo at meron din namang nananalo.

Ang anti-price-gouging law ay ipinatupad matapos ideklara ang state of emergency dahil sa COVID-19.

“We will not tolerate price gouging in this time of exceptional need, and we will take aggressive action to stop it,” pahayag pa ni Attorney General Herbert H. Slatery III.