Kumpanya ng sigarilyo, modelong workplace sa gitna ng pandemya – Bello

Kinilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pasilidad ng isa sa pinakamalaking pagawaan ng sigarilyo sa bansa na isang modelong workplace sa gitna ng global pandemic.

Sa pagbisita sa Philip Morris Fortune Tobacco Co. plant sa Marikina City nitong Huwebes, pinuri ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang multinational firm dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng safety at health protocol na mandato ng gobyerno upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease.

“Ang tyansa ng pagkakahawa ng virus sa loob ng pasilidad ay mababa. Mahigpit ang proteksyon para sa safety at health protocol dito,” wika ni Bello kasunod ng pagtanggap sa kanila ni Philip Morris International (PMI) Director for Operations Joao Brigido.

Habang kasama si Brigido sa pag-iikot sa PMFTC complex, napahanga ang kalihim sa mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask at shield.

Pinuri din ni Bello ang pagkakaroon ng mga disinfectant tulad ng alcohol na madaling magamit ng mga manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng pasilidad.

“Nagpapakita lamang ito ng sinseridad ng PMFTC na makipagtulungan sa gobyerno upang mapangalagaan ang mga Pilipino sa kanilang pinagtatrabahuhan,” wika ni Bello.

“Nagagalak ako na ang PMFTC ay naging katuwang ng gobyerno sa paglaban sa CoVid 19. Dahil sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa pasilidad ay nagpapatuloy rin ang negosyo at pangangalaga ng trabaho para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Mayroong tinatayang 1,200 na manggagawa ang pasilidad.

Kasama ni Bello na bumisita ay si Commission on Higher Education chairman Prospero de Vera, na siya ring pinuno ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team at si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na tinalakay rin ang natatanging kampanya ng lungsod laban sa sakit.

Ang CODE team ay nagtungo sa Marikina kasunod na rin ng mga ginagawang hakbangin para sa paglaban sa Covid 19 ng gobyerno at ng mga lokal na pamahalaan.

Sa ginawang pulong, muling binanggit ni Bello ang pangangailangan para sa mahigpit na pagpapatupad ng safety at health protocol sa trabaho.

“Tanging hiling ko lamang sa mga employer at manggagawa ay sumunod sila sa mga panuntunan ng gobyerno upang labanan ang Covid 19. Kaya nating matalo ang virus kung lalaban tayo ng magkakasama,” dagdag pa niya.