Naghain ng resolusyon ang ilang kongresista sa Kamara upang kilalanin ang tagumpay ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics.
Sinabi nina Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman at Anak Mindanao party-list Rep. Amihilda Sangcopan na si Diaz ay isang pride ng mga taga-Mindanao at pride ng Pilipinas.
“Isa kang inspirasyon sa kapwa mo Pilipino, lalo na sa mga taga-Mindanao, na nangangarap makarating kung nasaan ka ngayon. Hindi lang ginto ang ibinigay mo sa Pilipinas, kundi inspirasyon sa aming lahat!” sabi ni Hataman.
Sa kabila ng hirap ng buhay, sinabi ni Sangcopan na nagawang magtagumpay ni Diaz na mula sa isang pamilya sa Zamboanga City.
“As a fellow Mindanaoan who also grew up in Zamboanga City, my heart is now overflowing with pride because of Hidilyn’s extraordinary accomplishment,” sabi ni Sangcopan.
Naghain din ng resolusyon ang mga miyembro ng Makabayan bloc. Sinabi nito na nagtagumpay si Diaz sa kabila ng mga pagsubok, red-tagging at kakulangan ng tulong pinansyal ng gobyerno.
“Whereas, this persistent problem of our athletes should be addressed by instituting sufficient funding based on the actual needs of our athletes, not jut some paltry amount appropriated by the government,” saad ng resolusyon ng Makabayan bloc.
Hiniling naman ni Biñan Rep. Marlyn Alonte sa Kamara na gawaran si Diaz ng congressional medal of distinction.
“Whereas, Ms. Diaz’s victory is a new impetus for Congress to take concrete actions on uplifting the plight of Filipino athletes,” saad ng resolusyon ni Alonte.