Anim na taon maghihimas ng rehas ang K-pop singer-songwriter na si Jung Joon Young at limang taon naman para sa dating F.T. band leader at guitarist na si Choi Jong Hun sa kasong collective sexual assault at distribution ng illicit sex videos.
Ibinaba na ngayong araw na ito ng Seoul Central District Court’s Criminal Consensus Division 29 ang sentensya kina Jung Joon Young at Choi Jong Hun.

Bukod sa pagkakabilanggo, ang dalawa ay kailangan ding sumailalim sa 80 oras na sexual violence education at pagbabawalang magtrabaho sa loob ng limang taon sa alinmang pasilidad na may kinalaman sa mga bata at teenagers.
Ang dalawa ay nasangkot sa gang rape sa isang lasing na babae noong January 2016 sa Gangwon-do at Marso ng naturang taon sa Daegu.
Si Jung Joon Young ay nakasuhan din sa pagpapakalat ng mga sex video kasama na ang sarili niyang sex video sa KakaoTalk chat room.