Posibleng ipatawag ng Yongsan Police ang BTS member na si Jungkook dahil sa kinasangkutan nitong aksidente kamakailan.
Ito ay matapos kumpirmahin ng pulisya na nagdesisyon na silang i-book si Jungkook bilang offender sa naganap na aksidente at posible itong maharap sa isang civil case.
Ang desisyon i-book sa naturang asunto si Jungkook ay dahil lumabas na umano ang medical diagnosis sa taxi driver na nakabanggaan ng singer.
Sa resulta, nasaktan o nasugatan umano ang driver.
Nauna namang umamin si Jungkook na may nagawa siyang traffic violation kaya nangyari ang aksidente noong October 31.
Ayaw nang magbigay ng ibang detalye ng Yongsan Police pero malamang umano na ipatawag nila si Jungkook anumang oras sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.