Japan

Nag-viral sa social media kamakailan ang mga litrato ng baha sa Japan matapos ang bansang ito ay masalanta ng Bagyong Hagibis.

Halip na malungkot  ang maging pananaw ng mga netizens sa sinapit ng tinaguriang “land of the rising sun” dulot ng bagsik ng bagyo, mas lumutang ang paghanga ng mga tao dahil ang baha sa Japan pala ay walang halong basura, walang naglutangang ibang bagay at lalo na ay maputi at hindi kulay kanal ang tubig. Parang beach sa El Nido sa Palawan at ang linis tignan ng baha. Sabi ng marami, may disiplina sa pagtatapon  ng basura ang mga Hapon. Anong nangyari sa mga Pilipino?

Kahanga-hanga ang pagiging organisado ang mga Hapon. Noong tamaan din kasi ng lindol ang nasabing bansa, naging usap-usapan na rin ang nakakabilib na pambansang disiplina ng mga Hapon sa pagsunod sa pila para sa mga nais tumanggap ng tulong. Walang tulakan, walang lamangan. 

Sa tala noong 2017, mayroon 260,553 na Pilipino ang naninirahan sa Japan. Ang malaking populasyon ng Pinoy sa Japan ay bunga rin ng Japanese-Filipino marriage. Kaya nauugat sa pamilya ang lalim ng koneksyon ng mga Pinoy sa mga Hapon. 

Nagsimulang dumagsa sa Japan ang mga Pilipino nang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng Pinoy na mag-aral sa bansang ito bunsod ng Japanese Occupation. 

Ngayon, humigit kumulang 1 milyong dolyar ang nireremit ng mga OFW mula sa Japan bagamat sila ay short term residents lamang. Itinuturing ang OFWs na major source of life support for the Philippines economy. Kung tutuusin hindi lamang ekonomiya ng Pilipinas ang pinayayaman ng mga OFW kung hindi pati na rin ang sa Japan. 

Bida rin ang mga Pinoy na mayroong lahing Hapon sa larangan ng entertainment, fashion at sports tulad nila Mokomichi Hayami, Nicole Abe, Tomohiko Hoshina, at marami pang iba. 

Kung hinahangaan ang uri ng disiplina ng mga Hapon ay kahit paano ay masasabi natin na mayroong kakayahan ang mga Pilipino na maging tulad nila dahil na rin sa matibay na relasyon ng mga pamilyang Japinoy gayundin ang mahabang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Binuksan na rin ng Japan ang kanilang bansa upang maraming turista mula sa Pilipinas ang makamalas ng ganda ng kanilang bansa. Mas pinadali na ang proseso ng pagkuha at pagbibigay ng tourist visa papuntang Japan. Bukod dito, nasilip na rin ng mga Pinoy ang mayamang kultura ng bansang ito na sa maraming aspeto ay maaaring gawing halimbawa ng mga Pilipino lalo ng mga OFW.

Kulang daw ang Japan tour kung hindi masisilayan ang 20 World Heritage Sites nila kabilang na ang Himeji Castle, Historic Monuments ng Ancient Kyoto at Nara, Mount Fuji, ski resort na Niseko sa Hokkaido, at ang nakakarelax na mga hotspring at Sakura (Cherry Blossoms).

Hindi na maikakaila na ang Japan ay nangunguna sa  music industry, mangaanimevideo gaming, rich cuisine at science and modern technology.

Marami rin Japinoy at mga OFW ang nagdala ng masasarap na pagkain mula sa Japan at ginawa nilang negosyo pagbalik sa Pilipinas. Tempura, Yakitori, Udon, Soba, Sashimi, Miso Soup ang mga naunang traditional food na nakilala ng mga Pilipino. Patok naman sa panlasa ng mga millennial ang Takoyaki, Gyoza, Sushi, Ramen at Teriyaki. 

Dahil mainit na usapin ang agrikultura sa Pilipinas, mainam na malaman na 12% lamang ng lupa sa buong Japan ang nababagay sa pagtatanim. Dahil dito ay pinagtuunan ng pansin ng mga Hapon ang paggawa ng tulad ng Banaue Rice Terraces sa maliit na lupang agrikultural nila. 

Naging matagumpay sila sa agricultural research and development dahil ang kanilang pamamaraan sa pagtatanim ay itinuturing ng “one of the world’s highest levels of crop yields per unit area”. 

Ito ay mayroong overall agricultural self-sufficiency rate na aabot sa 50% samantalang napakaliit ng lupain na sinasaka na 14,000,000 ektarya lamang. Kahit maliit lang ang agricultural sector nila ay labis itong inaalalayan at binibigyan ng proteksyon ng kanilang gobyerno. Mas pabor sila sa mga sari-sariling pagsasaka at ayaw nila ng large-scale agriculture para makapag-ani ng bigas na karaniwang ginagamit nila sa paggawa ng cereal. 

Mayroon ba tayong matutunan sa larangan ng national discipline at pagbibigay halaga sa pagsasaka mula sa Japan? Ano ang buting idudulot nito sa Pilipinas na kung saan matatagpuan ang International Rice Research Institute na nasa Los Banos? Makakahabol pa ba tayo sa Japan sa pag-aani ng bigas? 

Sa mga OFW lalo na sa mga nanggaling sa mga probinsya tulad ng Nueva Ecija at Occidental Mindoro na itinuturing na rice granaries of the Philippines, maibabalik pa ba natin sa kanila ang diwa at dangal ng pagsasaka bilang alternatibong paraan upang kumita nang hindi iniiwan ang baying sinilangan?

Mapapasigla ba muli ang natural na hilig, talento, sipag at tiyaga ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan sa modernong pagsasaka at gawin na itong maaasahang hanapbuhay at industriya kapalit ang pamamasukan sa Metro Manila at sa ibang bansa bilang OFW?

*Si Alex Rosete ay anak ng isang seafarer-machinist at OFW na sa loob ng 25 taon ay naglayag  sa Middle East at America. Bagamat yumao na ang kanyang ama, nais nya na ang pitak na ito ay maging buhay na alaala ng kanyang ama at gayundin ay magsilbi bilang isang pagpupugay sa kabayanihan ng lahat ng mga OFW na patuloy na nagsisikap sa malayong lugar upang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang pamilya lalo na ang kanilang mga anak. Kung mayroong tanong o mungkahi, mag-email lamang sa ofw@chos.ph