Inabusong Pinay sa Dubai, nakamit ang hustisya

Hinatulang makulong ng tatlong buwan ng Dubai court ang isang Pakistani na inakusahang nangmolestiya ng isang Pinay.

Napatunayang guilty ang 32-anyos na driver at ipinag-utos ng Dubai Court of First Instance na ipatapon ito palabas ng United Arab Emirates (UAE).

Batay sa ulat ng lokal na pahayagan sa UAE, kinuyog ng mga beachgoer ang Pakistani matapos magpasaklolo ang Pinay na pinanggigilang dakmain sa maselang bahagi ng katawan.

Sinasabing nangyari ang insidente nitong Agosto 2, ng kasalukuyang taon.Batay sa salaysay ng 39-anyos na Pinay, kasama nito ang mga kaibigan sa Jumeirah Beach.

“The defendant was swimming there and he kept harassing us. He would keep his distance when we told him to stay away but then he would come back again,” bahagi ng testimonya ng hindi na pinangalanang Pinay.

Lumangoy ng malapit sa kinaroroonan ng biktima ang Pakistani saka umano nikayap at hinipuan.

Pumalag ang Pinay saka nagsisigaw na humingi ng tulong.

Hinabol ang Pakistani at sa tulong ng mga beachgoer ay nasukol ito.

Itinanggi ng Pakistani ang bintang at binigyan ng pagkakataon ng korte na iapela ang hatol sa loob ng 15 araw.