Igorot Hunks mabenta sa fiesta

Igorot Hunks

Patuloy na humahakot ng papuri ang anim na matitikas at naguguwapuhang miyembro ng Tawid Cultural Performing Group (CPG) o mas kilala bilang Igorot Hunks matapos silang dumayo at makibahagi sa Agros Festival sa Puerto Princesa, Palawan.

Tulad ng inaasahan, tinilian ng mga kababaihan habang kinainggitan naman ng mga kapwa nila lalaki ang mga abs at maskuladong katawan ng tinawag na mga Yamang Bukid ambassador habang umiindak sa tradisyunal na sayaw ng mga Igorot sa mga shopping malls sa nasabing siyudad.

Hindi rin naglubay sa pagbuntot sa grupo ang kanilang mga instant fans kahit sa oras ng kanilang pagkain sa isang sikat na fastfood restaurang habang suot ang Igorot G-strings.

Nakiisa ang Igorot Hunks sa Agros Festival o Farmers Festival sa Puerto Princesa, Palawan upang makibahagi sa programa ng pamahalaan na pagyamanin at pangalagaan ang kapaligiran.

Nagtanim sila ng mga binhi sa Yamang Bukid Farm sa Barangay Bacungan sa Puerto Princesa City bilang tulong sa mga magsasaka sa nasabing lugar. Kabilang sa mga tinaguriang “Cordillera Hotties” ang mga pageant holder na sina R-Jay Falisong na itinanghal bilang Man of the Philippine Ambassador, Kelvin Aguilan Vicente na nanalong 2018 Mr. Universe Tourism Philippines at Keanu Fernando na nahirang naman na Mr. Universe Tourism Philippines Man of the Year 2018.

Ipinagmalaki ni Falisong na siya ay anak ng isang magsasaka na mahalagang katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng lipunan.

“Pasalamatan natin ang mga magsasaka dahil sa kanila nanggaling ang mga isinasaing nating bigas, kinakain na mga gulay at prutas,” dagdag pa nito.

Kasama rin sa mga “jowable Igorots” sina John Rey Tenedero, Kayzer Brooks Gewan at Renz Lou Lagria.

Kumalat sa social media ang mga larawang ng Igorot Hunks habang nakasuot ng tradisyunal nilang damit habang pumaparada sa Session Road sa nakaraang Panagbenga Festival sa Baguio City.

Para sa kanila, ang pagrampa habang naka- bahag ang paraan nila para makilala ang mga taga-Cordillera. Ang sabi nila, masaya sila sa naging reaksyon ng mga tao sa kanilang kasuotan.

Dagdag pa nila, napatunayan nilang epektibo rin ito para maiwasan ang pambu-bully sa mga Igorot.

Hangad din umano nila na ipagmalaki rin ng kanilang mga kapwa Igorot ang kanilang kultura dahil ang ethnicity o pagka-unique nila ang dahilan ng kanilang pagiging angat o espesyal. “Let’s love our culture and let’s love our country,” ang panawagan pa ng mga Igorot Hunks.