Hawak na raw ng pelikulang Hello, Love, Goodbye (HLG) ng Star Cinema ang titulo na highest grossing Philippine film of all time dahil kumita ito ng tinanatayang 1 bilyong piso mula noong July 31. Palabas pa rin ito sa mga sinehan sa ibang bansa.
Nakasentro ang kwento nito sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong lalo na ang mga domestic helper.
Ayon sa kasaysayan, ang ibig sabihin ng Hong Kong ay “fragrant o incense harbor” at “red torrent”. Dati itong tirahan ng mga magsasaka at mga mangingisda at ngayon ay binansagan nang “one of the world’s most significant financial centres and commercial ports”.
Ilang Pilipino ba ang nasa special administrative region na ito ng China na kilala bilang isa sa Asia’s shopping capitals? Nauso pa nga noong dekada ’90 ang buy and sell ng mga mahihilig mag-shopping sa Hong Kong na ibinebenta rin ang kanilang mga pinamili sa Pilipinas.
Ayon sa 2016 Census, mayroong 184,081 Pilipino sa Hong Kong o 2% ng buong populasyon ng rehiyon na ito. Itinuturing ang ang mga Pilipino na “largest ethnic minority” sa Hong Kong at ang karamihan sa kanila ay kasambahay. Ngayong 2019, tinatayang 213,000 na ang Pinoy domestic helpers ang nasa Hong Kong.
Kung araw ng Linggo, dumadagsa ang mga Pinoy domestic helpers sa Central o Victoria Park bilang weekly gathering dahil ang araw na ito ang official day off nila.
Sa Wan Chai (Eastern) District ng Hong Kong naman ay naninirahan ang pinakamaraming Pilipino na aabot sa 15,000. Dito ginawa ang pagsasalin ng kapangyarihan ng Great Britain (United Kingdom) government sa People’s Republic of China sa Hongkong (Handover o Return) noong 1997. Dating colony ng Great Britain ang islang ito sa loob ng 156 taon. Ang Hong Kong ay ang sinasabing pinakahuli sa mga pag-aaring teritoryo sa labas ng lupain ng Royal Family ng Britanya bago nailipat sa pamahahala ng China.
Ang Wan Chai ay nasa hilagang-silangan ng Hong Kong Island at nakasasakop sa Fortress Hill, North Point, Braemar Hill, Quarry Bay, Tai Koo Shing, Sai Wan Ho, Shau Kei Wan, Heng Fa Chuen, Chai Wan and Siu Sai Wan na ilang lugar na ipinakita sa pelikulang HLG.
Hindi dahil sa laki ng bilang ng kasambahay na nagtratrabaho sa Hongkong ay wala nang ibang propesyunal na mangagawang Pinoy na piniling magtrabaho roon.
Maraming engineers at architects ang kabilang sa construction industry ng Hong Kong na nagtatayo ng matataas at magagarang gusali sa islang ito.
Nandyan rin ang mga seafarer, information technology professional, accountant, musician, artist, nurse, at dentist. Malaking bilang din ng mga Pilipino ang nasa culinary at iba pang service industries.
Kilala rin ang mga Pilipino sa galing nila sa entertainment sa Hong Kong. Sila nga ang nagpasikat sa Hong Kong Disneyland mula nang itayo ito sa Penny’s Bay, Lantau Island.
Noon pang matapos ang second World War ay dumating na ang mga Filipino professionals sa lugar na ito.
Ngayon na may civil disobedience sa Hong Kong ay pinagsabihan diumano ang mga Pinoy doon na umiwas sa Occupy Central protest o makilahok sa kilos protesta laban sa pamunuan ng Hong Kong at madamay pa sila sa gulo.
Mayaman ang Hongkong at kilala sa buong mundo. Bukod pa riyan ay mas malaya ang lugar na ito kumpara sa mismong China ngunit kagaya rin ng ibang bansa ay malaki ang pagkakaiba ng buhay ng mayaman at mahirap dito.
Mayroon dito na mga pinagpalang residente na nakasakay sa Lamborghini at ang bag ay Chanel bagamat sa kasamang palad ay sanlaksa ang nakatira sa mga apartment na tila libingan sa liit ng sukat o ang binansagang “cage homes”. Bunga ito ng mahal na upa at mataas na cost of living bunsod ng mabilis na pamumuhay dito.
Katulad rin sa ibang bansa, ang Hong Kong, bagamat malaya sa ibang aspeto ng pamumuhay ay mayroong sariling gobyerno at mga patakaran na hindi panig sa mga pagbibigay ng mas maayos na proteksyon sa mga Pilipino lalo pa sa mga kasambahay.
Nagpadala ng humigit kumulang 845,147,000 US Dollars cash remittances ang mga OFW na nasa Hongkong sa ating bansa noong 2018. Mula sa Land Based OFWs ay 569,618,000 USD at Sea Based OFWs ay 275,529,000 USD naman. Mula iyan sa 6.3% ng total ng mga OFW sa buong mundo ayon sa Philippine Statistics Authority. Pangatlo ang Hong Kong sa Saudi Arabia at United Arab Emirates sa listahan ng top destinations ng mga OFW.
Mataas na sahod, bagong pagkakataon sa buhay at kapalaran, at maitaguyod ang pamilya ay ang mga dahilan ng pagdagsa ng mga OFW sa Hong Kong. Dyan din uminog ang kwento ng HLG kaya nakasakay at nakaugnay sa plot nito ang mga OFW at ang kanilang mga mahal sa buhay na itinuturing ang mga OFW bilang mga bagong bayani ng bansa dahil sa malaking ambag nila sa ating ekonomiya.
*Si Alex Rosete ay anak ng isang seafarer-machinist at OFW na sa loob ng 25 taon ay naglayag sa Middle East at America. Bagamat yumao na ang kanyang ama, nais nya na ang pitak na ito ay maging buhay na alaala ng kanyang ama at gayundin ay magsilbi bilang isang pagpupugay sa kabayanihan ng lahat ng mga OFW na patuloy na nagsisikap sa malayong lugar upang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang pamilya lalo na ang kanilang mga anak. Kung mayroong tanong o mungkahi, mag-email lamang sa ofw@chos.ph