Hermes ng amo sinangla Pinay DH kulong sa HK

Sinentensiyahan ng Eastern Court magistrate sa Hong Kong na mabilanggo ng walong buwan ang isang Filipina domestic helper na nadiin sa pagnanakaw ng Hermes watch at iba pang alahas na nagkakahalaga ng $138,100 mula sa amo nito.

Naghain ng guilty plea ang 33-anyos na dalaga na si Jenny Lou Nualan sa kasong (two counts) theft.

Inilabas ni Magistrate Bina Chainrai ang hatol laban kay Nualan nitong Oktubre 17, ngayong taon.

Base sa ulat, pinagbintangan ang Pinay na tumangay ng isang relong Hermes (nagkakahalaga ng $74,500), isang polseras (gold Hermes bracelet na may halagang $51,600), isang pares ng diamond na hikaw ($4,000) at isang kuwintas ($8,000) na pag-aari ng employer nito na si Wu Ping-yi.

“The uninsured watch and jewelry were never recovered as their pawn tickets had either expired or been lost,” ayon sa prosekusyon.

Napag-alaman na Hunyo 2016 ng simulang magsilbi ang Pinay sa bahay ni Wu sa Tropicana Court sa South Bay.

Inamin diumano ng Pinay na isinangla nito ang mga alahas sa halagang $4,000 at ipinadala ang $2,000 para sa nanay nito na nasa Pilipinas na mayroon umanong sakit sa puso.