Greenhills naging ghost town dahil sa tambay na nagpositibo sa coronavirus

Nagmukhang ghost town ang Greenhills Shopping Center matapos ipasara ang isang bahagi ng establisiyemento ng pamahalaang lungsod ng San Juan dahil sa pinakabagong kaso ng coronavirus sa bansa.

Ang prayer hall sa Greenhills na madalas puntahan ng Pinoy COVID-19 carrier ay ipinasara ni San Juan Mayor Francis Zamora para i-disinfect.

“The Department of Health and the City Government of San Juan are now conducting contact tracing to determine whom this patient has been in contact with since he displayed symptoms,” ayon sa pahayag ni Zamora.

Ang nagpositibo sa coronavirus ayon pa sa DOH na lalaking 62- anyos ay madalas sa Greenhills.

Naospital umano ito noong Marso 1 matapos magkaroon ng malubhang pneumonia, at nagpositibo sa coronavirus noong March 5.

May hypertension at diabetes ang pasyente na hindi nakapunta sa ibang bansa.