Grab nireklamo ng drivers: Refund sa mga pasahero ‘wag sa amin singilin

Umangal ang ilang partner-drivers ng Grab Philippines na naunang pinagmulta ng Philippine Competition Commission (PCC) ng P23.5M at pagpapa-refund ng P5M sa kanilang mga pasahero dahil sa sobra-sobrang paniningil sa pasahe sa kanilang mga pasahero.

Gayunman, ilang drivers ng Grab na ang nagreklamo dahil sa pagtaas ng porsiyentong kinukuha ng Grab sa kanilang bawat biyahe.

Isang driver ng Grab ang nagsabing, mula sa dating 20 porsiyentong kaltas sa bawat pasahe ng kanilang customer ay naging 23 porsiyento na ngayon ang kinakaltas ni Grab at sinasabing para diumano ito sa multang ipinataw ng PCC.

Reklamo ng isang driver na nakaltasan, hindi umano siya dapat saklaw ng pag-refund sa overcharging ng Grab dahil tatlong buwan pa lamang siyang pumapasok bilang Grab driver.

Nauna nang pinaalalahanan ang Grab na huwag ipapasan o ipasa sa mga partner drivers nila ang mga multang ipinataw ng PCC.

Wala pa namang reaksyon ang Grab sa akusasyon ng ilan nitong partner-driver.