Grab driver arestado sa paglabag sa umiiral na liquor ban

Isang Grab Express motor rider ang inaresto dahil sa paglabag sa ipinatutupad na Ordinansa ng Lungsod Quezon na Liquor Ban noong Abril 22, 2020 sa Batasan-San Mateo Road Quarantine Checkpoint (QCP) sa Lungsod Quezon.

Ayon kay Director of Quezon City Police District (QCPD), Police Brigadier General Ronnie S. Montejo, ang suspek na naaresto ay si Ronnie De Leon, 32 taong gulang, ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Lumabas sa ulat na bandang 2:20PM, Abril 22, 2020, habang ipinapatupad ang checkpoint ng mga tauhan ng District Mobile Force Battalion (DMFB) sa ilalim ni PLTCOL Christopher Olazo ng sumailalim sa checkpoint verification ang suspek na lulan ng isang Yamaha motorcycle.

Hiniling ng mga awtoridad na buksan ang delivery box ng suspek upang makita ang nasa loob nito, kung saan tumambad ang ilang bote ng alak na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto.

Ang mga alak na nakuha sa suspek ay:

(2) bote ng 700ml The Bar Lime Gin,

(1) bote ng 750ml Embassy Premium Blended Whiskey,

at (1) bote ng 750ml Tanduay Rhum.

Ang suspek ay kakasuhan sa violation of QC Ordinance No. 24 or Liquor Ban in relation to Proclamation No. 922 of RA 11332 and RA 11469 Bayanihan to Heal As One Act.

Ipinaalala ni PBGen. Montejo na ang liquor ban ay kasalukuyan pa ring ipinatutupad sa Lungsod Quezon hangga’t nanatiling nasa ilalim ng Extended Enhanced Community Quarantine ang nasabing lungsod.