Ipinasa na sa Senado ang pinal na bersiyon ng panukalang Doktor Para sa Bayan Act na naglalayong magbigay ng full medical scholarship sa mga karapat-dapat na estudyanteng Pinoy para mapunan ang kakulangan ng doktor sa bansa.
Inilatag ni Senador Joel Villanueva, sponsor ng panukala sa plenary ng Senado ang bicameral conference committee report sa mga ‘disagreeing provision’ ng panukala na kalauna’y tinanggap at niratipikahan.
“Let me reiterate that the beneficiaries of the free medical education are required to render a return service, fitting and proper to the Filipino people, from medical doctors who were educated from the taxpayers’ money,” sabi ni Villanueva.
“Hindi pa po tayo tagumpay sa COVID-19. Pero dahil sa ratipikasyon ngayon ng bicam report ng ‘Doktor Para sa Bayan Bill’ at harinawa, ang agarang pagpirma rito ng ating Pangulo, binibigyan natin ng mas malaking tiyansa ang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong manalo laban sa mga sakit o anumang uri pandemya,” dagdag pa nito.
Bukod sa pagbibigay ng medical scholarship, layunin din ng panukala na magbigay ng return service program para sa mga “deserving Filipino students” sastate universities and colleges (SUCs) at pakikipagtulugan ng private higher education institutions (PHEIs) sa mga SUCs sa rehiyon na walang kurso tungkol sa medisina.
Kuwalipikado ang mga estudyante sa mga bayan na walang doktor para matiyak na magkakaroon ng isang doktor sa bawat bayan sa bansa.