Good News: Romblon State U gumawa ng foot-operated sanitizer dispensers

Isa ang opisina ng Department of Social Welfare and Development sa nakatanggap ng unang set ng ‘foot-operated sanitizer dispensers’ na ginawa ng College of Engineering and Technology (CET) ng Romblon State University (RSU).

Sa panahon ngayong ‘new normal’ na ang laging paggamit ng alkohol at hand sanitizer bago pumasok sa mga establisimiyento at mga opisina ng gobyerno, naisip ng mga guro at estudyante ng College of Engineering and Technology (CET) ng Romblon State University (RSU) na gumawa ng paraan para hindi na kailangang hawakan ng publiko ang mga lagayan ng mga alkohol at hand sanitizer para ito ay magamit.

Romblon hand foot sanitizer

Dito, binuo ng grupo ni Dr. Bilshan Servañez, Dean ng RSU-CET, ang ‘foot-operated sanitizer dispensers’ na gawa sa mga tubo na madalas ginagamit lamang bilang daluyan ng tubig.

Sa pahayag ni Dr. Servañez, sinabi nito na una sana nilang ginawa ay mayroong sensor ngunit nanghinayang sila sa natatapon na alcohol dahil hindi umano kontrolado ang inilalabas nito, kaya namannaisip nila na baka pwedeng gawin na lang itong manual, na ginagamitan ng paa sa halip na kamay.

“‘Yun na kasi ang bagong normal, diba nga, mode of transmission naman ng COVID-19 ay usually sa kamay, kaya nga dapat laging maghugas ng kamay. So, yun ang naisip namin na gumawa kami ng ganung design,” pahayag ni Dr. Servañez.

Sa halagang P1,200 ay kaya na nilang bumuo ng isang unit ng ‘foot-operated sanitizer dispensers’ sa tulong na rin aniya ng mga Wood and Metal Working School Factory na itinayo ng RSU at ng Department of Science and Technology (DOST) – Mimaropa sa loob ng paaralan.

Nitong Mayo 11, sinimulan ng ihatid sa ilang establisimiyento at mga opisina ng gobyerno ang unang 15 piraso ng ‘foot-operated sanitizer dispensers’ na ini-sponsor ng RSU-Science High School Batch 2011.

Ilan sa mga opisina ng gobyerno na nakinabang sa nasabing proyekto ay ang Munisipyo ng Odiongan, Land Transportation Office, Department of Social Welfare and Development, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, Technical Education and Skills Development Authority, at marami pang iba.

Sa ngayon, may ginagawa pang dagdag na 30 unit ng foot-operated sanitizer dispensers ang grupo ni Dr. Servañez na ilalagay rin sa iba pang pampublikong lugar sa probinsya.

Source: Paul Jaysent Fos, Philippine Information Agency