Good News: Milyon na nalikom ni Cainta Mayor Kit Nieto sa subasta ng sapatos, ibibigay sa walang SAP

Cainta Kit Nieto SAPMahigit P1.4 milyong halaga na nalikom mula sa pagsusubasta ng kanyang personal na koleksiyon ng mga sapatos ang gagamitin ni Cainta Mayor Johnielle Keith “Kit” Nieto sa pagbibigay ng cash assistance sa mga pamilya na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development.

Sa pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook account, sinabi ni Mayor Nieto na magbibigay ito ng P2,000 cash assistance sa mga manggagawang hindi napabilang sa SAP.

Pahayag din ng alkalde na mula nang simulan ang pag-auction ng kanyang mga sapatos ay nakapagbahagi na ito ng cash assistance sa mahigit 700 na manggagawa sa kanyang bayan na apekatdo ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinimulan ni Mayor Nieto ang pagsusubasta o pag-auction ng kanyang mga koleksiyong sapatos noong Abril 14 kung saan tatlong pares ng rubber shoes ang kanyang ipinasusubasta kada araw bilang pandagdag pondo sa pagbibigay nito ng cash assistance sa mga pamilyang hindi napabilang sa SAP o anumang tulong pinansyal na ipinagkakaloob ng ibang ahensya ng gobyerno.

Nitong Biyernes, Mayo 15, ay isinagawa ng alkalde ang huling pag-auction nito kung saan tatlong pares ng sapatos na Lebron 16 “Buzz Lightyear,” Jordan 33 PF “Vast Grey,” and Jordan Mars 270 White Fire Red, ang kanyang ipinasubasta.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Nieto sa lahat ng nakibahagi sa ginanap na auction ng kanyang mga personal shoe collection.

“Salamat sa lahat ng nakibahagi.. marami tayong natulungang tao sa kinita ng auction.. maraming pamilya ang nabigyan natin ng ayuda, maliit man pero napahalagahan pa rin,” saad ng alkalde.

“Salamat dahil tinapos natin ito ng magkakasama… at nakagawa tayo ng mabuti para sa mga kababayan natin,” dagdag ni Mayor Nieto.

Source: Rachel Joy Gabrido, Philippine Information Agency