Ikaw ba ay isang estudyante na nangangailangan ng load para sa inyong online class?
Worry no more dahil sagot ng isang kabataan sa Ilocos Norte ang free load mo upang maipagpatuloy mo pa rin na mag-aral habang nararanasan natin ang “new normal” dulot ng COVID-19 na pandemya.
Umiiral na ngayon ang “virtual learning experience” sa ilang unibersidad sa probinsiya gaya ng Mariano Marcos State University (MMSU) sa lungsod ng Batac.
Ibig sabihin nito, wala ng “face-to-face” learning habang may banta pa rin ng COVID-19 sa bansa.
Dahil dito, magkakaroon ng virtual learning ang mga estudyante sa unibersidad kaya naman kanya-kanyang estratehiya na upang maipagpatuloy pa rin ang magandang kalidad ng edukasyon.
Ngunit naisin man ng iba na makapag-aral online, ang mga ibang estudyante ay salat sa gagamitin para sa online class gaya na lamang ng regular load para magamit nila sa kanilang internet connection.
Bilang isang estudyante at naging MMSU Student Regent, ramdam ni Pat Quitoriano mula sa Pagudpud, Ilocos Norte, ang hinaing ng mga mag-aaral na gustong mabigyan ng malakas na internet connection para makasabay sa online learning.
Dahil dito, naglunsad si Quitoriano ng isang online fund drive para makapagbigay ng free load sa mga estudyanteng lubos na nangangailangan nito.
“I thought of an idea to ask people to send help for our students, not just in MMSU but all university students and college students in the entire Ilocos Norte,” ikinuwento ni Quitoriano.
Dahil nga ilan sa mga magulang ng mga estudyante ay apektado rin sa krisis na dulot ng COVID-19, nais ni Quitoriano na matulungan ang bawat estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng free load para sa kanilang pag-aaral online.
“The purpose of this is that dahil walang pagkukunan ng allowance kasi wala namang pera ‘yong parents ng students, it could be of great help. The load that they will get will be used for their online classes,” dagdad ni Quitoriano.
Nagsimula ang online fund drive for free cellphone load noong ika-tatlo ng Mayo.
Sa kasalukuyan, nakalikom na ng higit sa Php15,000.00 si Quitoriano mula sa iba’t ibang online sponsors.
“As of today (May 4), naka-raise na kami ng more than Php15,000.00. Para sa Php10,000.00, one of the donors asked if I can give the amount to the students of MMSU. I’m planning to put up WiFi connections in different barangays in Pagudpud. We’re still asking donors or donations for us to raise the funds,” ayon kay Quitoriano.
Sa halagang Php100.00, maaaring magamit ito ng mga estuyante para sa kanilang internet connection sa isang linggo. Dagdag pa ni Quitoriano, habang narito pa ang krisis na dulot ng COVID-19, patuloy pa rin ang online fund drive para sa kabataan.
Kaya naman sa mga nabiyayaan ng free load para sa kanilang online learning, hiling ni Quitoriano na gamitin ito sa wastong paraan at para lamang sa kanilang pag-aaral.
“Our advice is that, use your load wisely and learn because you can take advantage of the crisis in order for you to cope up with the lessons you didn’t tackle during the lockdown. And also, if ever you will be successful in life, always remember to help other people too,” sabi ni Quitoriano. Natuwa rin si MMSU President Dr. Shirley Agrupis sa ginawang inisyatibo ni Quitoriano na matulungan ang mga estudyante.
“Very loud ang kanyang online fund drive at maraming responses,” ibinahagi ni Agrupis sa naganap na media forum ng MMSU. Sa ngayon, habang patuloy ang pagbuhos ng tulong, binigyang hamon ni Quitoriano ang mga Sangguniang Kabataan chairpersons sa Ilocos Norte na mag-install ng WiFi para sa mga estudyante sa bawat barangay.
Talaga naman na sa panahon ng krisis, makikita ang mga busilak ang puso upang tumulong ng walang hinihinging kabayaran.
Tulong na nagbibigay pag-asa para sa magandang kinabukasan.
At tulong na nagsisilbing palatandaan na walang maiiwan sa hamon ng buhay.
Source: Ma. Joreina Therese A. Blanco, Philippine Information Agency, May 6, 2020