Good News: ‘Kalingaan’ sa Sta. Cruz, Laguna

Kalingaan LagunaBawat bayan at siyudad sa Pilipinas ay may kanya-kanyang mga pamamaraan upang mapagtagumpayan ang kinakaharap na krisis ng mundo ngayon dahil sa pandemyang Coronavirus Disease o COVID-19.

Maliban pa sa epektong pangkalusugan, malaki rin ang nakikitang epekto nito sa kabuhayan at pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.

May mga siyudad at bayang masagana at mayroon ring salat.

Ganunpaman, sa panahon ngayon ay parepareho lamang na nalilimitahan ang ekonomikal na pag-unlad dahil kailangang magsara ang maraming establisyamento, negosyo at iba pang gaya nito dahil sa banta ng nakahahawang virus.

Kaya naman kasabay nang pagsisikap ng pamahalaang nasyunal na ayudahan ang mga mamamayang nasa laylayan, mahalaga rin ang tapat na pagseserbisyo ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan para masigurong ang mga tulong ay nakakarating at ang pondo ay nailalaan at nagagastos sa tamang paraan.

Maging ang mga simpleng mamamayan ay mayroon ring gampanin sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga mabubuting proyekto ng pamahalaan, pagsunod sa batas, at pagpuna sa mga maling gawi ng iilan.

Ang kailangan ngayon ay ang pagkakalingaan.

Ito ang matutunghayan sa hakbangin ng lokal na pamahalaan ng Santa Cruz sa Lalawigan ng Laguna na tinawag na “Kalingaan.”

Ano ang Kalingaan?

Kwento ng 22-taong gulang na si Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson Moises S. Ordoñez ng Brgy. Poblacion II, “Nabuo ang Kalingaan sa inisyatibo ng aming Punong Bayan Edgar ‘Egay’ S. San Luis na maabutan ng ayuda ang lahat ng mga apektadong kababayan sa paniniwalang walang dapat maiwan at walang dapat makaligtaan.”

Aniya ang ‘Kalingaan’ ay isang strategic approach o istratehikong paraan na siyang mag-sasalba sa lahat sa kabila ng pinagdadaanang krisis ng kanilang bayan at ng buong bansa.

Ang mga ayudang ipinamamahagi sa Bayan ng Santa Cruz lalo na ang mga isda, gulay at mga itlog na maalat ay nagmumula sa sarili nilang bayan na inalagaan mismo ng mga tubong mamamayan ng Santa Cruz.

“Ipinamamahagi ito sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis. Nakatulong ka na sa sektor ng agrikulura nakatulong ka pa sa mga nangangailangan,” ipinunto ni Ordoñez.

Ang mga nagrerepack naman aniya at namamahagi ng mga nasabing tulong ay ang mga tricycle driver na walang kita sa panahon ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ na siya namang binibigyan rin ng ayuda at tulong kapalit ng kanilang pagkakawanggawa.

Kahalagahan “Napakahalaga ng programang ito sapagkat dito mo masusukat ang pagkakaisa ng lahat,” makahulugang pahayag ni Ordoñez.

Sa ‘Kalingaan’ aniya ay walang anumang sektor na pinipili at wala ring anumang klase ng tao ang iniiwanan. Lahat ay kasali.

“Katulad ng pinanghahawakang sigaw ng aming bayan, ‘Bayan Natin, Sama-samang Unahin, Santa Cruz, Kaya Natin!,’ Simbolo ang programang ito ng pagkakaisa at pagtutulungan nang lahat na malagpasan ang krisis na ating kinakaharap.”

Nakapamahagi na ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa una at ikalawang pagkakataon, samantalang kasalukuyang isinasagawa na ang pamamahagi ng ikatlong ayuda sa 26 na mga barangay sa Santa Cruz.

Bukod pa aniya rito ang ayuda na laan naman para sa mga ‘poorest of the poor’ o pinakamahihirap na mamamayan at sa mga barangay na naapektuhan ng total lockdown dahilan sa pagkakaroon ng positibong kaso sa kanilang hurisdiksyon.

Source: Rachel Joy Gabrido, Philippine Information Agency