Gatchalian itinulak ang sapat na WASH facilities sa ‘face-to-face classes’

Habang ipinagpapaliban muna ang face-to-face classes sa darating na pasukan, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education o DepEd na pabilisin ang paglalagay at pagpapatayo ng water, sanitation, and hygiene o WASH facilities sa mga paaralang wala pang ganitong uri ng mga pasilidad.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang pangmatagalang pamumuhunan para sa sapat at malinis na tubig sa lahat ng mga paaralan, pati na ng mga pasilidad pang-kalusugan at pang-kalinisan sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang sapat at malinis na tubig, pati na ng mga WASH facilities ay hindi lamang mahalaga sa panahon ng kasalukuyang pandemya.

Mahalaga din ito sa pagsugpo ng iba pang mga sakit, ayon sa senador.

Dapat rin aniyang magkaroon ng sapat na suplay ng sabon, sanitizers, at alcohol.

Noong nakaraang taon, iniulat ng DepEd na kalahati lamang sa tatlumput limang (35,005) libong paaralang bahagi ng programang WASH in Schools (WinS) ang may pasilidad na may sabon at tubig.

Wala pang apatnapung (37.4) porsyento sa mga paaralang ito ang nagsasagawa ng arawang pangangasiwa ng paghuhugas ng kamay.

Noong 2016 naman ay iniulat ng DepEd na higit tatlong libong (3,628) pampublikong paaralan ang walang mapagkunan ng ligtas at malinis na tubig.

“Hindi na kailangan ng pandemya para ipaalala sa mga eskwelahan ang importanteng mga bagay na ito. Pero dahil sa krisis na dulot ng COVID-19, kailangang magdobleng ingat tayo at laging maging handa para mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, guro at kawani ng paaralan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. Sa Senate Bill No. 1565 o ang ‘Education in the New Normal Act’, iminungkahi ni Gatchalian ang paggamit ng mga local school boards sa “Special Education Fund” ng mga local government units o LGUs para sa pagpapatayo ng mga handwashing facilities, pagbili ng sabon, alcohol, sanitizers, at iba pang public health supplies tulad ng mga thermometer, face masks, at face shields.

Isinusulong din sa naturang panukala ang mga information campaign sa mga paaralan upang mabigyang-diin ang paghugas ng kamay, pag-sanitize, at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.