Habang hinihintay ng mga mag-aaral na apektado ng mga nagdaang bagyo ang pag-imprenta at pamamahagi ng mga panibagong learning materials, muling pinanukala ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng limitadong klase sa pamamagitan ng tinatawag na ‘purok workshops’ sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19 o maituturing na mga ‘low-risk areas.’
Sa kanyang paglilibot sa Bicol at Cagayan Valley, dalawa sa mga rehiyong lubhang tinamaan ng mga bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses, ibinahagi ni Gatchalian ang kanyang mungkahing gawin ang limitadong klase sa pamamagitan ng purok workshops.
Nilinaw ng senador na sa purok workshops, ang mga guro ang tutungo sa mismong mga purok para magsagawa ng klase na bubuuin ng hindi lalagpas sa sampung estudyante.
Ayon sa pinakahuling datos na naitala (Nobyembre 22), mayroong 429 mga kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon ng Bicol habang nakapagtala naman ang Cagayan Valley ng 524 na mga kaso.
Lumalabas sa COVID-19 tracker ng University of the Philippines na may halos limang daang (400) munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19.
Paliwanag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na sa pamamagitan ng purok workshops ay maaaring magabayan nang husto ng mga guro ang kanilang mga mag-aaral.
Kabilang ang mga tinatawag na learning support aides ng Department of Education (DepEd) sa mga magsasagawa ng purok workshops.
Ang purok workshops ay hango sa ‘learning pods’ na naging popular sa Estados Unidos bilang tugon sa hamon ng distance learning.
Paalala ni Gatchalian na dapat maging strikto pa rin sa pagsunod sa mga health protocols ang mga isasagawang purok workshops, kabilang ang pagsuot ng face masks, physical distancing, at pagkakaroon ng mga alcohol at sanitizers.
“Isa sa mga mungkahi natin ay payagan na yung mga lugar na walang COVID-19 o iyong mga maituturing na low-risk areas na magkaroon ng purok workshops. Dahil nasira ng bagyo ang mga modules na ginagamit ng karamihan sa ating mga mag-aaral, ang pagkakaroon ng direkta ngunit limitadong ugnayan sa pagitan nila at kanilang mga guro ang isang paraan upang makabalik na agad sa pag-aaral ang mga bata,” ani Gatchalian.
Nangako naman ang DepEd na papalitan ang mga nasirang self-learning modules. Sa isang pahayag, ibinalita ni DepEd Secretary Leonor Briones na may karagdagang pondong ilalaan para sa muling pag-imprenta ng mga naturang modules.
Maaari ring gamitin ang ibibigay na pondo para ipambili ng hygiene kits, gamitin sa clean-up drive, at psychosocial first aid.
Samantala, sinabi ni Gatchalian, lokal na pamahalaan ang dapat na mag-analisa o tumukoy kung kinakailangang magpatupad ng ‘academic break.’
Dapat maging basehan aniya ang lawak ng pinsalang idinulot ng mga bagyo at ang kakayahan ng mga paaralan na muling magbukas ng klase.