SUMAKABILANG buhay na si dating Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa coronavirus disease (Covid-19), ayon sa pahayag ng kanyang apo nitong Sabado.
Ang pagkamatay ng 90-anyos na si Mayor Lim na nakilala rin bilang Dirty Harry ay kinumpirma sa Facebook ni Paul dela Cruz, apo ng dating Mayor.
“Lolo, maraming maraming salamat sa lahat lahat ng bagay na binigay at naitulong mo sa akin para maging maganda at maayos ang buhay ko (Grandpa, thank you for all that you have done for me to make sure that I would live a good and comfortable life),” bahagi ng post ng kanyang apo sa Facebook.
Nagpasalamat din si Dela Cruz sa lahat ng tagasuporta ng kanyang lolo na nagpamalas ng malasakit at nagdasal dito. Isa si dating Manila Mayor Joseph Estrada sa nagpahayag ng kalungkutan sa pagkamatay ni Lim.
“Naging magkatunggali man kami sa pulitika, alam ko na iisa lang ang aming hangarin, ang mabigyan ng magandang buhay ang mahihirap nating mga kababayan, lalo na ang Masang Manilenyo. Hinding-hindi ka malilimutan ng Maynila. Rest In Peace, Mayor Lim,” mensahe ni Erap sa Facebook.