Ex-BF ni Rabiya Mateo sasali ng PBB, umaming pinagpalit sa korona

Join sa ABS-CBN reality show “Pinoy Big Brother” si medical worker Neil Salvacion, ang ex-boyfriend ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo.

Inamin din nito na naghiwalay sila ng beauty queen dahil sa korona.

Sa kanyang video application na uploaded sa Kumu, sinaad nito na binalak niyang magtrabaho abroad ngunit piniling manatili sa bansa para makatulong sa COVID-19 pandemic bilang frontliner.

“Galing po ako sa hospital. Medyo maraming pasyente pero kayang-kaya. Neil Salvacion, 27, frontliner ng Iloilo,” sey niya.

“Ako po ay isang COVID nurse na dapat ay mag-a-abroad, pero mas piniling manilbihan dito sa bansa bilang frontliner. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang buhay ko po ay hospital, bahay. Minsan ay masisilayan mo ‘yung mga huling hininga ng mga pasyente,”dagdag pa niya.

Sinabi din ni Neil na mahirap ma-isolate dahil sa COVID-19 ngunit mas mahirap tanggapin na pinagpalit siya sa corona.

“Dumating ang panahon na bawal kang lumapit sa mga mahal mo sa buhay dahil hindi mo alam kung positive o negative ka. Kailangan mong mag-isolate. Nakakalungkot man na kailangang ma-isolate ng ilang buwan.

“Mas nakakalungkot pala na maiwan ka ng taong minamahal mo dahil sa pangarap nitong korona. Ang coronavirus at korona sa patimpalak ay ilan lamang sa mga hamon sa aking buhay,” kuwento niya.

Inamin ni Neil noong Hunyo na naghiwalay na sila ni Rabiya matapos ang anim na taong magkasintahan.