Erpat ni Beyoncé, inoperahan sa breast cancer

Beyonce
Beyonce Knowles

Ipinagdiriwang tuwing Oktubre ang Breast Cancer Awareness Month sa layuning higit na palawakin ang kaalaman sa breast cancer at makalikom ng pondo sa pagsasaliksik at pagtuklas ng lunas dito.

Mga kababaihan ang nakararanas ng breast cancer pero alam n’yo bang kabilang sa maliit na porsyento ng mga kalalakihan na dinapuan ng sakit na ito ang ama ng sikat na hollywood pop diva na si Beyonce Knowles?

Ibinunyag ng 67-anyos na si Mathew Knowles, isang music executive sa Los Angeles, California, na na-diagnose na mayroon siyang breast cancer nito lang summer.

Sabi ng ama ng sikat na pop diva, hindi niya inakala na sintomas na pala ng cancer ang mga mantsa ng dugo na nakita nila ng kanyang asawa sa kanyang mga damit at kanilang bedsheet.

Sa lahat nga raw ng maaaring mangyari sa kanya, bakit ang nakamamatay na cancer pa?

Bakit siya pa? Sinabi ni Knowles na sumailalim siya sa isang operasyon noong Hulyo at mabuti naman aniya ang kanyang kalagayan ngayon.

Ipinasya niyang ibunyag ang kanyang pinagdaanan para ipaalam sa lahat, lalo na sa kanyang mga kapwa-lalaki, na maaari pang agapan ang cancer kung maaga lang itong matutukoy.

Inamin din ni Knowles na maramng nabago sa kanyang pananaw sa buhay lalo pa at natuklasan din niya na ang uri ng cancer na kanyang napaglabanan ay maaaring maglantad sa kanya sa posibilidad ng pagkakaroon ng melanoma gayundin ng prostate at pancreatic cancer.

“This is genetics,” sabi pa ni Knowles na nagsilbing manager ng kanyang anak simula noong dekada 90 hanggang sa maayos silang maghiwalay bilang manager-talent noong 2011.

Dahil dito, naaalarma si Knowles na maaaring mamana ng kanyang mga anak at mga apo ang kanyang sakit kung kaya’t sumailalim na rin sila sa mga pagsusuri. Natuklasan pa ni Knowles na mas mataas ang porsyento na magkaroon ng breast cancer ang mga lalaking Itim o Black na tulad niya kung kaya’t pinayuhan niya ang mga ito na maagang magpatingin para sa kanilang kaligtasan.

Lumitaw sa record ng Centers for Disease Control and Prevention na umaabot sa 245,000 kababaihan at 2,200 kalalakihan ang nada-diagnose na mayroong breast cancer at mayroong 41,000 kababaihan at 460 kalalakihan sa US ang namamatay dito kada taon.

Sa kabila nito, may ilang mga pagbabago partikular na sa pagtukoy at paggamot sa naturang sakit. Mas alam na umano ngayon ng mga doktor ang mga pangunahing aspetong nagdudulot ng cancer, ang pinakamainam na panahon para sa screening at ang pagtukoy sa mga klase ng cancer na mataas ang posibilidad na kumalat sa ibang bahagi ng katawan.