Serbisyong espesyal ang handog ng gobyerno sa mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) kaya naman ginawan ang mga ito ng electronic gate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang hakbang ay isinagawa sa layong mapabilis ang pagproseso at mabawasan ang mahabang pila sa mga paliparan tuwing panahon ng bakasyon.
Ang e-gate ay inilunsad ng Bureau of Immigration (BI) sa departure area ng NAIA bago ang Pasko.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na pumirma siya sa isang memorandum of agreement sa service provider para sa pilot test ng mga e-gate, sa immigration departure area ng NAIA 2.
Matatandaang nagpatupad ng naturang sistema nakaraang taon sa immigration arrival sa tatlong terminal ng NAIA at ang mga international airports sa Mactan-Cebu, Davao, at Clark para maging mabilis ang proseso ng dokumento ng mga papaalis ng bansa na OFWS.
Idinagdag pa ng opisya na tulad ng paglalagay ng mga e-gate sa arrival areas ng BI, ang mga bagong daanan ay dapat magsilbi lamang sa pag-alis ng mga OFW upang matiyak ang mas maayos at mas mabilis na pagproseso para sa mga Pilipino bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.