Duterte umamin sa walang lunas na sakit

Ginulantang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Filipino community sa Russia kung saan ito nagkaroon ng state visit nang ibunyag ang isang sakit na wala pang natutuklasang lunas.

Sa talumpati ay hayagang inamin ni Pangulong Duterte na nakakaranas siya ng “myasthenia gravis.”

Ang nasabing uri ng sakit na namana aniya niya sa kanyang lolo ay isang karamdaman na nagdudulot ng panghihina ng mga kalamnan.

Ginawang halimbawa ni Duterte na side effect ng kanyang sakit ay ang hindi magkatugmang galaw ng kanyang mga mata.

Hindi ito ang unang beses na naghayag ang pangulo ng kanyang medical conditions.

Matatandaang inamin na dati ni Duterte na mayroon siyang Buerger’s Disease, isang kondisyon kung saan sumisikip ang daluyan ng dugo dahil sa Nicotine, at Barrett’s Esophagus.

Kabilang sa mga sintomas ng sakit ay panghihina ng braso at binti, dumodoble ang paningin, paglaylay ng talukap ng mga mata, hirap sa pagsasalita, pag-nguya, paglunok, at paghinga.

Wala pang lunas para sa ganitong sakit.

Wala ring pinipiling edad ang kakapitan ng nasabing sakit pero kadalasan ay mga kalalakihang may edad 60 at kababaihang 40 anyos pababa.