Duterte niresbakan sa panggigipit sa ABS CBN franchise

Nakahanap ng kakampi ang giant network na ABS CBN na may isyu sa pagre-renew ng prangkisa kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ipinalabas na statement ng grupong Defend Job Philippine libu-libong mga empleyado ang tatamaan sakaling ituloy ng Pangulo ang planong hindi pag-renew sa prangkisa ng Kapamilya network.

Ang TV network ayon sa grupo ay may 6,730 regular employees; 900 non-regular workers at mahigit 3,325 talents.

Iginiit pa ng grupo na hindi dapat personalin ng Pangulo ang isyu laban sa ABS CBN.

“The group tells President Duterte to resolve its rift with the ABS-CBN management in proper venues and must stop using the legislative franchise and the job security issue of ABS-CBN workers as hostages to his plans of going after the TV network,” ayon sa Defend Job Philippines.

Nauna rito ay muling binanggit ng Pangulo ang dati nang paninindigan na hindi i-renew ang Kapamilya network na mapapaso ang prangkisa sa Marso 30, 2020.