Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang panganay nitong anak na si Davao City Mayor Sara ‘Inday’ Duterte ang tinaguriang ‘alpha’ sa kanilang pamilya.
Ito ang pahayag ni Pangulong Duterte nang magtalumpati sa isang aktibidad sa Taguig City Center for the Elderly nitong Huwebes ng gabi.
“Yung alpha sa pamilya namin, hindi ako. Sabihin ko sa inyo ‘yung totoo, hindi ako, si Inday. Kung sabihin ni Inday, ganito, ganito ‘yan. Sa pamilya namin, siya ‘yan ,” pag-amin ni Duterte.
Binanggit din ng Pangulo na maging ang mga anak niyang lalaki na sina Davao City Representative Paolo ‘Pulong’ Duterte at Davao City Vice Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte ay takot kay Sara.
“Takot ‘yan sa kapatid nilang babae. Lumaki sila binubugbog,” dagdag ng Pangulo.
“Eh nag-laki ‘yan si Inday, suntok dito, sipa doon. Nung lumaki na sila, wala na silang magawa kasi… Totoo,” sabi pa ni Duterte.