Duterte ginawaran ng pardon si Pemberton

WAGAS ang pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte ni Atty. Rowena Flores, abogado ni US Marine Joseph Scott Pemberton na pumatay sa Pinoy transgender na si Jennifer Laude noong 2014 matapos itong gawaran ng absolute pardon.

Binulabog ang twitter ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin matapos itong mag-tweet ng ganito:

“Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control—and to do justice—the President has granted an absolute pardon to Pemberton. Here at the Palace.”

Bago ang biglaang pardon ay nakatanggap si Pemberton ng release order mula sa Olongapo Regional Trial Court dahil pasok na umano ang computation ng kanyang good conduct time allowance (GCTA) para mapaikli ang 6-10 taong sentensya.

Pero kagyat itong kinontra ng Department of Justice (DOJ) at muling ipinaaral ang kaso ni Pemberton.

Mariin namang itinanggi ng kampo ni Pemberton na may political exchange ang ibinigay na pardon ni Duterte.

Ayon naman kay Atty. Romel Bagares, abogado ni Laude mukhang may kapalit ang desisyong ito ng Pangulo.

Ani Bagares, nagbabago ang galaw ng Pilipinas sa international law baka may kinalaman ito dito.

May inaprubahan din aniya ang US Congress na nagbibigay ng armas sa Pilipinas.