DSWD, patuloy ang pamamahagi ng emergency subsidy sa mga kwalipikadong low-income families

Patuloy na isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi nito ng ayuda upang matulungan ang mga pamilyang nawalan ng trabaho o kabilang sa minimum wage earners na naapektuhan ng ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ang Social Amelioration Program (SAP) ay isa sa mga tulong na maaaring maibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo upang maibsan ang epekto ng pagkawala ng hanapbuhay dahil sa public health emergency na dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19). Ayon sa April 28 na datos, may higit 8.2 milyong pamilya sa buong bansa ang nabigyan na ng ayuda mula sa SAP.

Tinatayang higit P45 bilyon ang naibahagi sa kanilang pinansyal na tulong.

Katuwang ng DSWD ang mga lokal na pamahalaan, mga pulis, at mga militar sa pagbibigay ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Batay sa panuntunan na inilahad ng Ahensya, ang mga pamilya na may mababang kinikita o kabilang sa minimum wage earners na nawalan ng trabaho ngayon dahil sa ipinapatupad na ECQ, at may kamag-anak na kabilang sa mga itinuturing na vulnerable groups ang kwalipikado na mabigyan ng ayuda.

Sila ay ang mga sumusunod:

Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries;

Mga pamilya na low income earners o nawalan ng kinikita na kabilang sa informal economy:

a. Directly hired o occasional worker/s;

b. Subcontracted worker/s o yung mga namamakyaw;

c. Homeworkers na tulad ng mga craftsman at mga gumagawa ng home-made products;

d. Mga kasambahay o family driver na kasalukuyang nawalan ng kinikita dahil hindi makapunta sa trabaho dulot ng enhanced community quarantine;

e. Drivers ng mga public utility vehicles (PUVs) at Transport Network Vehicle Services (TNVS);

f. Micro-entrepreneurs o mga sari-sari store owners na walang sariling pwesto, mas mababa sa P100,000 ang kinikita, at mas mababa sa limang (5) katao ang empleyado;

g. Family enterprise owners tulad ng mga carinderia operators, fruit and vegetable vendors, RTW vendors, at street vendors;

h. Sub-minimum wage earners o mga kumikita na mas mababa pa sa statutory minimum wage rate tulad ng dishwashers at empleyado sa mga carinderia;

i. Mga magsasaka at mangingisda na hindi kabilang sa 4Ps at hindi rin kabilang sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Agriculture (DA);

j. Stranded workers na hindi nakauwi sa kani-kanilang probinsya dahil sa enhanced community quarantine; Indigent Indigenous Peoples; Homeless individuals; Overseas Filipino (OFs) in distress o mga OFs na ni-repatriate at nawalan ng pagkakakitaan; at Mga kabilang sa vulnerable groups tulad ng senior citizens, persons with disabilities, at mga nagpapasusong ina o mga buntis.

Patuloy na paiigtingin ng DSWD ang validation at assessment nito upang masiguro na maayos na maipapatupad ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng SAP.

Source: DSWD, April 28, 2020