Driving schools tiba-tiba sa bagong LTO policy sa pagkuha ng lisensya

Tiyak na tiba-tiba ang nagkalat na driving school sa bansa dahil sa ipinalabas na bagong kautusan ng Land Transportation Office (LTO).

Base sa inilabas na kautusan ng LTO, simula sa Abril ngayong taon ay kailangan nang sumailalim sa 15 oras na training ang lahat driver na kukuha ng student permit.

Ibig sabihin kailangang mag-enrol ang mga gustong magmaneho sa loob ng 15 oras sa mga accredited driving school ng LTO.

Ang hakbang ay ipinatupad ng LTO matapos mabatid sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 12,000 mga driver sa Metro Manila ay mayroong minimum na tatlong traffic violation.

Isang pinakamalalang kaso ay ang pagkakaroon ng 500 violation ng isang driver simula noong 2005.

Dahil sa kautusang ito ng LTO inaasahang gagastos ang bawat kukuha ng student permit sa driving ng mahigit P10K kung ang pagbabasehan ay ang pinakamurang bayaran sa driving school na limang oras sa kanilang basic course.

Ito ang ilan sa halimbawang singilan ng mga driving school kada limang oras para sa basic course:

Manual sedan – P2,500

Automatic sedan – P3,500

Manual AUV/MPV/pickup – P4,400

Automatic AUV/MPV/pickup – P5,400

Automatic compact SUV – P6,000

Automatic midsize SUV – P6,200