Ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang cashless transaction system gamit ang Beep Cards sa mga public utility bus (PUBs) na bumibiyahe sa EDSA Busway System simula sa Oktubre 1.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor, bahagi ito ng pagtataguyod ng ahensya sa mga ligtas na paraan para mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pagbabayad ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.
“Gusto nating siguruhin ang ligtas at komportableng pagbyahe ng ating mga komyuter sa pamamagitan ng dugtong-dugtong at mahusay na Sistema ng pampublikong transportasyon,” sabi ni Pastor.
“Kaakibat nito ang ibang mga protokol sa kaligtasan at kalusugan na ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa mga public utility vehicle (PUV), tulad ng social distancing at pagsuot ng face masks at face shields habang nakasakay.”
Kaugnay nito, hinihikayat ng LTFRB ang lahat ng mga sumasakay sa EDSA Busway na bumili na ng Beep Cards o pakargahan na ito para maiwasang maantala sa pagbabayad ng pamasahe sa oras na ipatupad ang automated fare collection system.
“Habang tinatanggal natin ang mga potensyal na panganib sa kalusugan, gusto din nating limitahan ang oras sa mga pila kapag pera ang ibinabayad,” sabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III.
“Nais naming mas maraming mga pampublikong sasakyan ang gagamit ng mga digital transaction, tulad ng QR Codes, online payment o cashless payment tulad ng Beep.”
Ang Beep card ay stored-value contactless card na madali, moderno, at maginhawang paraan ng pagbabayad ng pamasahe. Ibinabawas ang pamasahe sa laman ng card kapag itinapat ito sa fare collection machine. Ginagamit na ang sistemang ito sa mga LRT1, LRT2, at MRT3 pati na sa ilang Point-to-Point (P2P) na bus at modern PUVs sa buong bansa.
Para kargahan ang BEEPTM card, maaaring pumunta ang pasahero sa alinmang istasyon ng LRT at MRT, sa alinmang branch ng FamilyMart at Ministop branches, Bayad Center at mga ka-partner nito, o di kaya aysa mga Over-the-Air (OTA) loading partner nito tulad ng BPI, Eon ng Unibank, Akulaku, at Justpayto.
Ang EDSA Busway ay proyekto ng DOTr, LTFRB at MMDA, na layuning ibiyahe ang mga komyuter mula Monumento patungong PITX, sa pamamagitan ng median bus lane, na mas maigsi ang biyahe (3 oras o mahigit lang sa 1 oras).
Nagsimula ang operasyon nito noong Hulyo 1.
Sinabi ni Pastor na ang bagong programa ay bahagi ng panawagan ng DOTr na palakasin ang digital at cashless transactions sa mga transportation service providers pati na sa pangkalahatang sistema ng mga pampublikong transportasyon sa buong bansa.