Naglabas ng babala ang Department of Labor and Employment sa publiko laban sa illegal recruitment na isinasagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ay matapos tiyakin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilang kompanya ng Chinese sa ating bansa ang nagpapatakbo ng POGO ng walang lisensiya, akreditasyon, o nakabinbin ang aplikasyon sa Online Gaming and Licenses Department (OGLD).
Sa ulat mula sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), isang Taiwanese, na kinilala bilang Wu Keng-Hao, ang dumating sa ating bansa noong Pebrero 26, 2021 para magtrabaho sa isang online gaming company.
Sinabi ni Wu sa mga pulis na hinimok siyang mag-aplay ng trabaho sa POGO sa pamamagitan ng social media account ng isang Chinese firm Yinghuang Yule na nangako ng buwanang sahod na 13,000 Renminbi (P97,000). Sa kanyang pagdating ng bansa, siya ay dinala sa isang hotel sa Pasay para sa mandatoryong quarantine.
Matapos nito siya ay itinago sa isang budget hotel sa Paranaque City at pinagtrabaho bilang POGO worker matapos siyang ibenta ng dalawang beses sa dalawang magkaibang grupo ng Chinese, na kinilala bilang Yinghuang Yule at 3 + 7 Company, mga hindi awtorisadong magpatakbo ng POGO sa Pilipinas.
Nakasaad din sa ulat na ang biktimang Taiwanese ay nasagip ng mga pulis noong Marso 2, 2021 matapos itong tumawag sa kanyang kamag-anak sa Taiwan, na siyang humingi ng tulong sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO).
Ang mga opisyal ng TECO ang nagbigay ng impormasyon sa PNP-AKG sa dinanas ng biktima.
Ayon sa PNP-AKG, ang “slave trade” ang modus ng mga kompanyang POGO nitong mga nakaraang taon.
Hihimukin ang mga Chinese o Taiwanese gamit ang social media account at ire-rekrut para magtrabaho sa POGO.
Babayaran sila ng mga kompanyang ito ng sahod na mas mababa sa napagkasunduan at kapag sila ay tumanggi sila ay dudukutin at tatawagan ang kanilang pamilya para hingan ng ransom.
Binalaan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang publiko sa mga mapanlokong grupo partikular iyong mga nangangako ng magandang sahod ngunit bibigyan lamang sila ng problemang pinansiyal at emosyonal.
Para maiwasan na maloko, pinayuhan ng Kalihim ang publiko na maging maingat sa pakikipag-usap sa mga katulad na grupo na ginagamit ang social media para sa kanilang pagre-rekrut.
Binigyang-diin ni Bello na “Kailangan muna nilang iberipika ang rehistro ng mga ganitong kompanya mula sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno bago makipag-transaksiyon sa mga ito.”