DILG nagpalabas ng ‘show cause order’ sa 29 barangay sa Metro Manila

Eduardo Año show cause order barangayDalawampu’t siyam (29) na barangay chairman sa Metro Manila ang pinatutugon sa inilabas na ‘show cause order’ ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa kabiguan na maipatupad ng maayos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanilang mga komunidad sa gitna ng lumalaganap na coronavirus 2019 (Covid-19) pandemic.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año ang pagpapalabas ng naturang order ay dahil sa mga ulat na natanggap ng Kagawaran mula sa mga ‘concerned citizens’ sa hindi maayos na pagpapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at patuloy na pagtitipon ng mga tao sa kani-kanilang mga barangay.

“Dumating na tayo sa ganitong punto sapagkat hindi maayos na binabantayan ng ilang punong barangay ang kanilang nasasakupan. Hindi puwedeng maging kampante sa Covid-19 lalo’t ‘di pa alam ang lunas nito. Marami na ang nasawi kabilang na ang ilang doktor at health workers.,” ayon sa kanya.

“Maging sino man ay gusto nang makabalik sa normal na pamumuhay. Para magawa ito ay kailangan maging disiplinado ang bawat isa, bawat pamilya, bawat lokal na pamahalaan mula sa barangay para maayos na maipatupad ang ECQ nang hindi kumalat ang virus,” dagdag pa niya.

Ipinaaalam din niya na si Undersecretary for Barangay Affairs, Martin B. Diño, ang kasalukuyang mangunguna sa pagpapalabas ng naturang ‘show cause order’ sa mga makakatanggap na mga punong barangay.

Dapat umanong ipaliwanag sa ilalim ng isang sinumpaang salaysay sa loob ng 48 oras mula sa pagtanggap kung bakit walang kasong administratibo na dapat isampa laban sa kanila.

Kasama dito ang posibleng pagpapataw ng suspensyon ‘pendente lite’ o sa panahon ng paglilitis para sa kabiguan na maisagawa ang kanilang ipinag-uutos na mga tungkulin sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ upang mapabagal ang pagkalat at ma-kontrol ang kakila-kilabot na Covid-19 sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Ang pagkabigo sa pagsumite ng kanilang paliwanag ay dapat na ituring na isang ‘waiver’ o isang pag-amin.

Sinabi ng DILG Chief na ang mga punong barangay ay ligal na mananagot sa hindi pagsunod sa balangkas ng maayos na pagpapatupad sa panahon ng ECQ na ipinag-uutos ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan Heal as One Act na nag-uutos sa mga LGU na lubusang makipagtulungan sa pagpapatupad ng pambansang patakaran upang matugunan ang suliranin sa Covid-19.

“Kayong mga nasa barangay ang mas nakakaalam at nakakakita ng situwasyon sa komunidad. Kayo ang mga kamay at paa ng gobyerno. Kaya kritikal ang papel ninyo sa pagbabantay kung nasusunod ba ng maayos ang ECQ at kung ano ang mga pangangailangan ng taumbayan,” paliwanag niya.

“Lalo’t higit kailangan ang kooperasyon sa paglaban sa Covid-19 ngayong maraming buhay na ang nawala at patuloy na nagsasakripisyo ang mga mamamayan sa kawalan ng hanapbuhay. ‘Wag na po ninyo hintaying masampulan, masita at mabigyan ng show cause order. Gawin ninyo na po ang inyong tungkulin sa inyong constituents,” giit pa niya.

Ang mga barangay na nabigyan ng ‘show cause order’ ay ang mga sumusunod:

Barangay 11, 12, 20, 154, 220, 350, at 212 sa Maynila;

Barangay Bagong Silangan, 178, 12, 176, 37, and 129 in Caloocan;

Barangay Pasong Putik, Pasong Tamo, San Bartolome, Batasan Hills, Payatas, Fairview, Novaliches Proper, and San Antonio in Quezon City;

Barangay Don Bosco, Moonwalk, at Marcela Green sa Parañaque;

Barangay Pio Del Pilar and Bangkal in Makati;

Barangay Almanza 2 sa Las Piñas;

Barangay Tonsuya sa Malabon;

at Barangay Alabang sa Muntinlupa.