DILG nagpalabas ng direktiba sa PNP: Imbestigahan at arestuhin ang mga tiwaling lokal na opisyal sa kasagsagan ng pamamahagi ng SAP

Ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa PNP na agarang imbestigahan ang mga napapabalitang anomalya na may kinalaman sa hindi tamang pamamahagi ng SAP.

Ayon sa DILG ang ilan sa mga reklamong kanilang natanggap ay katulad ng paghahati o hindi pagbibigay ng kabuuang halaga sa mga residenteng nasasakupan ng kanilang barangay na benipisyaryo ng SAP, katulad na lamang sa nangyaring insidente sa Hagonoy, Bulacan kung saan nauwi ito sa pagkaka-aresto ng isang Bgy. Kagawad.

Magbibigay umano ng pabuyang P30,000 si President Rodrigo Duterte sa mga residenteng makakapagbigay ng impormasyon at makapagtuturo upang maaresto ang mga naturang tiwaling lokal na opisyal.

“I am directing PNP units all over the country and also requesting the National Bureau of Investigation (NBI) to prioritize the investigation of graft and corruption cases against local officials on SAP distribution. Greedy and corrupt officials should have no place in the government. They are carriers of a malignant virus that destroys the trust the people gave to them,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, habang ipinapahayag nito ng pagkadismaya sa insidente.

“Nakakahiya! Ang SAP ay kinuha mula sa kaban ng bayan bilang ayuda sa mga salat sa buhay at walang kabuhayan sa gitna ng Covid-19 crisis. Hindi ito dapat ibulsa ng sinumang opisyal ng lokal na gobyerno,” dagdag pa ni Año.

Naging viral ang video ng isang kagawad na si Kagawad Danilo Flores, ng Bgy. San Agustin, Hagonoy, Bulacan, nakita sa video na pinagsasabihan ang mga benipisyaryo ng SAP na P3,000 lamang ang makukuha nilang ayuda at ang natitirang P3,500 ay ibibigay diumano ng mayor ng Hagonoy sa mga hindi kwalipikadong SAP beneficiaries.

Tumanggi naman ang Mayor ng Hagonoy na si Mayor Raulito Manlapaz na may kinalaman siya sa insidenteng kinasasangkutan ng Bgy. Kagawad.

Si Flores ay inaresto at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa “Sec. 3 (b) Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Bayanihan Act.”

Inatasan din ni Año ang mga Direktor ng Rehiyon sa Kagawaran ng PNP at NBI na magbuo ng kani-kanilang mga DILG Provincial Investigating Teams para ituloy ang mga kasong administratibo laban sa mga tiwaling lokal na opisyal na maaaring humantong sa kanilang pagkakasuspinde at tuluyang pagkakasibak sa kanilang mga pinamumunuang barangay.