Ang Makati ay ang tanging lungsod sa bansa na napabilang sa top three ng World Smart Sustainable Cities Organization (WeGO) Awards ngayong taon dahil sa paggamit nito ng teknolohiya sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, ayon kay Mayor Abby Binay.
Napanalunan ng Makati ang bronze award sa ilalim ng kategoryang Efficient Government, kasunod ng Goyang City, South Korea na nakamit ang gold at ang Moscow, Russia na nakamit naman ang silver.
Ikinagalak ni Mayor Abby ang naturang pagkilala kaugnay ng kanyang pangarap na maging ganap na smart at digital city ang Makati.
Aniya, ikinararangal ng lungsod na maging kinatawan ng bansa sa international competition at ipakita ang mga naisagawang digital innovation at social services. Nakatakdang tanggapin ng Makati ang pagkilala sa November 17 sa gaganaping WeGO Virtual Executive Committee Meeting.
Noong nakaraan taon, nag-iisa rin ang Makati mula sa Pilipinas na nahirang bilang finalist sa World Smart Cities Awards na ginanap sa Barcelona, Spain.
Noong May 29, iprinisinta ni Mayor Abby ang COVID-19 initiatives ng Makati sa WeGO Smart Health Responder Webinar.
Tampok sa kanyang presentasyon ang paggamit ng Makatizen Card at Makatizen App para sa automated distribution ng tulong pinansyal para sa may 500,000 Makatizens.
Kabilang ang Makati sa mahigit 200 na lungsod sa buong mundo na miyembro ng WeGO, na pawang determinado sa pagtataguyod ng smart sustainable cities.
Ang WeGO ay nagsisilbing international platform para sa pagpapa-angat ng kalidad ng pamumuhay, makabagong pamamaraan ng paghahatid ng serbisyo publiko, at pagpapalakas ng regional competitiveness.