Inamin kahapon ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos na positibo ito sa coronavirus taliwas sa nauna nitong pahayag na maayos ang kanyang kondisyon.
Sa pamamagitan ni Atty. Victor Rodriguez ay inilahad ng dating senador ang tunay na lagay ng kanyang kalusugan.
“BBM nasa maayos nang kondisyon.”
“Gumaganda na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siya’y positibo sa CoVid19.”
Ayon kay Atty. Rodriguez, isa lang si BBM sa mahigit libong Filipino na nakipaglaban sa mapanganib na mikrobyo at kasalukuyan ay nilalapatan ng lunas sa isang ‘isolation area.’
“Pagkagaling ko sa Europa, tumungo agad ako noong sumunod na araw, Marso 14, 2020 sa isang ospital upang magpasuri dahil sa medyo may pananakit ang aking dibdib at upang matiyak ang aking kondisyong pangkalusugan dahil sa mga panahong ‘yon ay lumalaganap na ang corona virus,” ayon sa paglalahad ni Rodriguez.
“Pero umuwi na lang ako kasi sobrang dami ng pasyente noon sa pinuntahan kong ospital kaya hindi na ako nagpumilit na magpaasikaso upang mabigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyenteng nauna sa akin… na maaaring mas masama ang pakiramdam.”
Ang tanging pagkakataon na lumabas si dating Senador Marcos mula noon sa kanyang silid ay noon lang Marso 22, 2020 para magtungo sa emergency room ng parehong ospital makaraang siya’y nakaranas ng hirap sa paghinga, kung saan isinagawa ang ‘CoVid19’ test sa kanya at pinayuhang mag-self quarantine.”
“Simula noong Marso 13, 2020 hanggang sa ngayon ay sinusunod ng dating senador ang health protocol sa mga PUI at taimtim at tahimik nyang tinupad ang ipinaiiral na proseso ng gamutan, ‘tulad ng safety mask at self-quarantine, at walang ingay na inilayo ang kanyang sarili maging sa kanyang pamilya ‘gaya ng isang simple, responsable at ordinaryong pasyente,” pagtatapos na pahayag ni Rodriquez.
Inilabas ng RITM ang CoVid-19 test ng senador noong hapon ng Marso 28, 2020 kung saan sinasabing siya’y nag- positibo sa naturang mikrobyo.