Dating child actor kinasuhan ng homicide

Jiro Manio-001Kinasuhan ng frustrated homicide ang dating child actor na si Jiro Manio matapos umanong manaksak sa Marikina City, Sabado, Enero 18.

Ayon sa pulis report, papunta sa kanyang bahay ng kanyang kaibigan ang biktimang si Zeus Doctolero, 25, ng atakihin umano ito ni Manio, 27, sa isang parke sa Barangay Roque.

Naglabas umano ng kutsilyo si Manio at sinaksak si Doctolero ng tatlong beses.

Dinala agad sa ospital ang biktima matapos magtamo ng saksak sa kanyang ulo at likod.

Ayon sa witness na si Remi Perez, ang biktima ang pasimuno ng gulo at hinampas ng helmet ang suspek ng walang dahilan.

Matapos maghiwalay ng dalawa, hinabol pa umano ng biktima at ng kanyang magulang si Manio at hinampas ng helmet sa ulo.

Dito na nanlaban si Manio at kumuha ng kutsara sa carinderia, at hindi kutsilyo, ayon sa saksi.

Lasing umano ang biktima ng mga oras na iyon.

Magsasampa naman ng kaso ang kampo ni Manio kay Doctolero, ayon sa kanyang live-in parner na si Karen Macalino.

Nakilala si Manio sa mga pelikulang “Magnifico”, “Anak” at “Ang Tanging Ina.”