Daddy ni Sarah hinamon ng suntukan ni Matteo, Mommy Divine tinawag na baliw

Pasabog kung pasabog ang pinakawalan ni Jerry Tamara, bodyguard ni popstar Sarah Geronimo laban sa asawa nitong si Matteo Guidecilli na iniulat na nanapak sa una matapos ang secret wedding ng couple noong Pebrero 20,2020.

Sa pagdulog ng close-in security ni Sarah sa programang ‘Wanted sa Radyo’ ni Raffy Tulfo ay isinalaysay ni Tamara ang sinapit sa kamay ng mister ng among si Sarah.

Inamin ni Tamara na sinuntok siya sa lalamunan ni Matteo dahil sa akalang ito ang nagbuking kay Mommy Divine sa nangyaring secret wedding.

Nanggalaiti umano si Matteo sa biglang pagdating ni Mommy Divine sa restaurant kung saan nagkainan ang pamilya nito matapos ang nangyaring kasalan sa isang church sa BGC.

Dumating umano si Vic del Rosario sa restaurant para payapain si Mommy Divine.

Habang nag-uusap umano sina Boss Vic at Mommy Divine sa isang kuwarto ay sumisilip umano si Matteo at nagsasalita ng hindi maganda sa ina ng misis.

“Yung mommy ni Sarah baliw yan.. baliw,” sabi umano ni Matteo.

Maging ang ama ni Sarah na si Mang Delfin ay pinagsalitaan ni Matteo sa akalang susunod din ito sa restaurant.

“Pagdating nun sabihin mo magsuntukan na lang kami,” salaysay pa ni Tamara kay Tulfo.