COVID-19 Treatment Facility sa Pier 15 tatanggap na ng pasyente

Matapos na pormal na buksan ang pasilidad kahapon, ika-21 ng Abril 2020, sa pamamagitan ng isang comissioning ceremony na pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ay handa na itong tumanggap ng mga COVID-19 patient.

Sa ilalim ng paggabay ng DOTr, napabilis ang pagpapatayo ng pasilidad at nakumpleto ito nang mas maaga, dahil sa 24/7 construction works na isinagawa ng Philippine Ports Authority (PPA), katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), at Maritime Industry Authority (MARINA), at sa kooperasyon at tulong mula sa Lopez Group of Companies na nag-donate ng PhP100 million funding support, 2GO at Asian Terminals Inc. (ATI).

Philippine Coast Guard treatment facility

Ang Pier 15 COVID-19 Treatment Facility, na makakatulong sa pagkakaroon ng medical treatment facility sa National Capital Region (NCR), at sa mga karatig nitong bayan at lalawigan, ay mayroong 211 cubicles na nakahati sa iba’t ibang zones ng COVID-19 infection upang hiwalayin ang mga pasyenteng may mild, advanced at severe na kaso ng virus.

May mga nakalaang hospital beds, portable toilets, cargo containers para sa pagligo, at open-air dining facilities ang pasilidad. Ang mga istasyon ng nurse ay naka-set up sa labas ng pasilidad.

May mga plastic barrier views ito, upang makita ang loob ng pasilidad at makontrol at mabawasan ang paggamit ng personal protective equipment (PPE).

Nilagyan din ng mga airtight doors ang pasilidad, upang maiwasan ang pagkalat ng aerosol na mayroong COVID-19.

Ang interior layout ng quarantine terminal ay ‘generally open’, upang magkaroon ng maaliwalas na ispasyo at lugar na makakatulong sa paggaling ng mga pasyente.

Air-conditioned din ang treatment facility at mayroon itong mga pintuan at bintana, na maaaring buksan upang regular na makalanghap ang mga pasyente ng sariwang hangin, ayon na rin sa payo ng mga health experts kaugnay sa paggamot sa mga pasyente.

Ang lokasyon ng treatment facility ay malapit din sa waterfront, kung saan maaaring ma-enjoy ng mga pasyente ang sikat ng araw at ‘fresh breeze’ ng karagatan. (PCG PR)