CDO ng NTC sinunod: ABS-CBN nanindigang walang nilabag na batas

Tumalima ang pamunuan ng ABS -CBN sa inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commissiy (NTC) kahapon, May 5, 2020.

Inihayag ni ABS-CBN President Carlo Katigbak na mawawala na sa ere ang media company.

Kaugnay nito ay nanindigan ang pinuno ng giant network na walang nilabag na batas ang ABS-CBN at sumunod sila sa lahat ng requirement para sa renewal ng kanilang prangkisa.

“Mawawala na po sa ere ang ating ABS-CBN. Ginawa na po namin ang lahat ng requirement para sa renewal at wala po kaming nilabag na batas,” bahagi ng pahayag ni Katigbak sa TV Patrol.

“Marami po sa inyong Kapamilya ay pumasok sa opisina para hindi matigil ang broadcast at serbisyo ng ABS-CBN. Ang makapaglingkod sa inyo ay aming misyon at ang aming kaligayahan,” dagdag niya.

Gayunman ay umaasa pa rin si Katigbak na gagawin ng mga mambabatas ang nararapat sa kanilang franchise renewal kung saan nanawagan ito sa publiko na ipadama ang nararamdaman sa pagsasara ng ABS-CBN.

“Marahil naiintindihan ng ating mambabatas na mahalaga ang aming serbisyo sa panahong ito. Lalo na ngayon sa pinakamalalang panahon ng sakit at gutom, ipadama ang ating nararamdaman sa pagsasara ng ating ABS-CBN. Sa oras na ito, kami naman po ang humihingi ng inyong pagdamay,” panawagan ng Presidente ng ABS-CBN.