Viral ang ‘online rambulan’ ng dalawang governor nang magpataw ng ‘total lockdown’ sa Laguna sa pagtaas ng coronavirus sa lugar.
Sa isang open letter na inilabas ni Cavite Governor Jonvic Remulla para kay Laguna Governor Ramil Hernandez, nagreklamo ito dahil hindi siya makadaan sa isang checkpoint para makapasok sa lalawigan.
“Ganyanan na ha. Dehins ako pinalusot Ng checkpoint mula Bgy. Inchikan, Silang, Papunta Nuvali. ‘Bawal daw’ sabi ng hepe mo. Bali wala werpa ko sa checkpoint mo,” post ni Gov. Remulla sa kanyang Facebook page.
“Tandaan mo na likas ang yabang at tapang naming mga kabitenyo. Ang mga taga laguna mga maka-dyos,” dagdag pa nito.
Hindi rin umano nito paparaanin ang Laguna governor at maglalagay rin siya ng checkpoint.
“Magtatayo ako ng checkpoint sa Carmona para di ka makatwid. Umikot ka Ng Rizal ngayon para maramdaman mo Ang nararamdaman ng mga kababyan ko.”
Kinabukasan ay sinagot naman ito ni Gov. Hernandez, at nilabas din niya ang kanyang hinaing sa kapwa gobernador.
“Kapag may ulan o bagyo lagi mo akong inuunahan magdeklara ng walang pasok. kaya lagi akong naba-bash ng mga masisipag pumasok dine sa amin kahit mahina naman ang ulan dito sa Laguna,” reklamo ni Gov. Hernandez.
Kinumpara rin ng Laguna governor kung sino ang mas pogi sa kanilang dalawa.
“Kung papogian naman ang usapan mas matangkad ka laang sa akin pero tao na magsabi kung kaninong gobernador ang mas pogi.”
Nilinaw naman ng dalawang gobernador na katuwaan lang naman ito at dapat sumunod ang lahat sa lockdown kahit ang mga opisyal ng gobyerno.