Cainta maglulunsad ng Telemed Service para sa COVID-19

Nakatakdang simulan ng bayan ng Cainta ang kanilang Telemed Services ayon kay Mayor Johnielle Keith “Kit” Nieto.

Ibinalita ni Mayor Nieto sa Facebook na magsisimula sa Mayo 1, Biyernes, ang naturang serbisyo.

Cainta Telemed Service

“Dami gusto magpa konsulta kung may COVID sila. Pero takot silang lumabas. Daming seniors na gusto malaman kung may symptoms sila pero di sila pinapayagang pumunta sa ospital,” ayon sa alkalde.

Aniya ay layunin ng pamahalaang bayan na makasuporta sa ECQ sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga residente ng kakayahan na makapagkonsulta sa doktor sa mga barangay clinic o sa kanilang mga bahay.

Dagdag pa ng alkalde ay maaring gamitin at i-operate ang barangay clinics na pinangangasiwaan ng Brgy. Nurse o Health Worker upang makapagkonsulta sa doktor gamit ang TeleMed.

Dahil rito ay mas madaling masusuri, malalaman at maitatala ng maaga ang mga sintomas ng pasyente na may COVID-19 Mabibigyan rin ang mga pasyente at doktor ng mas ligtas at epektibong paraan upang makapagsuri na hindi kailangan ang paghaharap habang mas makakapagtala ng mga datos at makakagawa ng mga komprehensibong report para sa mga namamahala sa gobyerno.

Nabanggit rin ni Mayor Nieto na may limang doktor na nagboluntaryo para sa serbisyong ito at siya ay magbibigay pa ng ibang detalye sa lalong madaling panahon.

(PIA Rizal, may ulat mula sa Facebook Account ni Mayor Kit Nieto)

Source: Kier Gideon Paolo M. Gapayao, Philippine Information Agency, April 29, 2020